EJ Obiena sasabak sa prestihiyosong Oslo Bislett Games sa Norway

EJ Obiena sasabak sa prestihiyosong Oslo Bislett Games sa Norway

PATULOY ang kampanya ng Filipino pole vault star na si EJ Obiena sa outdoor season sa kaniyang pagsabak sa Oslo Bislett Games sa Norway sa Biyernes.

Target ni Obiena na malampasan ang kaniyang bronze medal finish noong nakaraang taon. Makakaharap niya ang 10 elite na pole vaulters, kabilang na ang reigning Olympic champion at world record holder na si Armand “Mondo” Duplantis ng Sweden.

Kasama rin sa laban sina World No. 2 Emmanouil Karalis ng Greece at World No. 3 Sam Kendricks ng USA.

Si Kendricks ay silver medalist sa Paris Olympics, habang si Karalis ay nagtapos ng bronze.

Pareho rin silang medalist sa Bislett Games noong nakaraang taon.

Bago ito, nagtapos si Obiena sa ikalimang puwesto sa FBK Games noong Martes matapos makalundag ng 5.66 meters, ang unang torneo niya mula nang magkampeon muli sa Asian Athletics Championships noong Mayo 31 sa Korea kung saan naitala niya ang 5.77 meters sa jump-off laban kay Huang Bokai ng China.

Hawak ni Obiena ang Asian record na 6.0 meters at ang kaniyang season best ay 5.80 meters na naitala niya sa PATAFA Pole Vault Challenge sa Cavite noong Mayo 7.

Pagkatapos ng Bislett Games, tutuloy si Obiena sa Bauhaus-Galan sa Sweden sa Hunyo 15.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble