PAGKATAPOS makasungkit ng unang gold para sa Pilipinas sa Hangzhou Asian Games, maghahanda na ang Asian Games Gold Medalist Ernest John “EJ” Uy Obiena para sa 2024 Paris Olympic.
Ang samahan ng Filipino-Chinese na Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. (FFCCCII), nanguna sa pagbibigay ng suporta para sa susunod na laban ni Obiena.
₱5-M ang ipinagkaloob ng samahan para magamit ni Obiena sa kaniyang preparasyon sa Paris Olympic.
Kasama ng Pinoy pole vaulter ang kaniyang ina na si Maria Jeanette Obiena sa pagtanggap ng donasyon.
Ang FFCCCII ay proud na proud sa atleta na mayroon umanong dugong Chinese at pusong Pinoy.
Si Obiena ay Filipino-Chinese na ipinanganak at lumaki sa Tondo, Maynila.
Maliban pa sa 5M, 1-M ang ibinigay ng dating presidente ng FFCCII na si Ambassador Francis Chua.
Bago naman ito, ang Alma Mater ni Obiena na Chiang Kai Shek College sa Manila, nagbigay din ng P3-M, 1-M mula kay FFCCCII Honorary Executive Adviser Ambassador Carlos Chan ng Oishi Snacks at isang milyon mula sa philantropist na si Anson Tan.
Sa kabuuan P10-M na ang tinanggap ng atleta mula sa mga Filipino-Chinese.
Nilinaw naman ni Obiena na ang mga donasyon na tinanggap nito ay kaniya ring ibabahagi sa kaniyang mga kasamahan sa paglalaro kabilang na ang kaniyang coach.