NAGPAHAYAG ng pangamba ang isang ekonomista patungkol sa malaking pagkukulang ng administrasyong Marcos Jr. sa pagtugon sa kagutuman sa Pilipinas.
“Itong nararanasan na kagutuman ng ating mga kababayan ang makaling factor diyan ay ang malaking kabiguan ni Marcos Jr. na ma-address ang kagutuman sa ating bansa,” ayon kay Dr. Michael Batu.
Ito ang naging komento ng ekonomista na si Dr. Michael Batu sa isang panayam sa SMNI News.
Ayon sa kanya, isa ito sa pinakamalaking kabiguan ng kasalukuyang pamahalaan.
Matatandaang sa simula ng kanyang termino, inako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang posisyon bilang kalihim ng Department of Agriculture.
Sa panahong ito, maraming kontrobersiya ang lumitaw kabilang na ang isyu sa sibuyas, asukal, at bigas.
“Maraming mga factors din siyempre governance is an over-arching determinant ng kagutuman. Makikita natin na ang full inflation sa ating bansa bagamat sa kaso ng bigas bumababa na yung presyo nag dedecelerate siya, tandaan natin na nanggaling tayo sa history ng mataas na presyo ng bigas,” saad ni Dr. Batu.
Kung maaalala, sa buwan ng Pebrero, ang rate of inflation sa karne ay halos umabot na nga sa double digits, ani Dr. Batu.
Isa rin umano sa mga pangunahing dahilan ng mataas na presyo ng pagkain ay ang pagiging pinakamalaking rice importer ng Pilipinas sa buong mundo.
Ani Batu, ang patuloy na paghina sa halaga ng piso ay nagdudulot rin ng mas mataas na presyo sa mga inaangkat na pagkain at lalong nagpahirap sa mga Pilipino.
Dagdag pa nito, mahalaga rin ang kalidad ng mga trabahong nalilikha sa bansa at kahit mababa ang unemployment rate, marami pa rin umano ang nagugutom.
“Kasi kung halimbawa maganda at dikalidad yung trabahong nalilikha ng ekonomiya kahit na tumataas ang presyo ng mga bilihin kayang e absorb iyan ng mga kababayan natin sa kanilang kita,” ani Batu.
Sa huli, inihayag ni Dr. Batu na ang patuloy na paglala ng sitwasyon ng kagutuman ay malinaw na ebidensya ng kabiguan ng gobyerno sa pagtugon sa pangunahing pangangailangan ng mamamayan.
Ang tanong aniya ngayon ay kung ano ang magiging hakbang ng pamahalaan para maibsan ang lumalalang problema sa kakulangan ng pagkain at trabaho sa bansa.