IPINAGPALIBAN na muna ang Electric Fun Music Festival na pangungunahan ng Eraserheads.
Bagamat mananatiling isasagawa sa SMDC Festival Grounds sa Paranaque City, ililipat na ito sa Oktubre 18 mula sa orihinal na schedule na Mayo 31, 2025.
Ayon sa mga organizer, ang dahilan ng paglipat ng petsa ay upang matiyak na ang event ay magiging ‘epic’ hangga’t maaari.
Ibig sabihin, paglalaanan pa nila ng sapat na panahon upang gawing mas ‘memorable’ ang karanasan ng mga dadalo.
Patuloy pa ring mabibili ang mga ticket para sa event at mananatiling valid ang mga naunang binili para sa bagong schedule.
Ang presyo ng ticket ay mula P1,500 hanggang P12,500. Maliban sa Eraserheads, magiging tampok na performers sa event ang The Itchyworms, Moonstar88, Basti Artadi, Imago, Dong Abay Music Organization, General Luna, Blaster, Party Pace, Carousel Casualties, Pinkmen, Alyson, at SA Vie.