ES Rodriguez biglang sumipot sa Senado kahit ‘di pa nailalabas ang subpoena ng Blue Ribbon Committee

ES Rodriguez biglang sumipot sa Senado kahit ‘di pa nailalabas ang subpoena ng Blue Ribbon Committee

SA unang bahagi ng pagdinig ay napagkasunduan ng mga miyembro ng Senate Blue Ribbon na ipa-subpoena si Executive Secretary Vic Rodriguez dahil sa hindi pagsipot muli sa ikatlong pagdinig ng komite, pero ala-una ng hapon ay bigla na lamang sumipot si ES at dumalo sa pagdinig.

Biglang sumipot sa ikatlong pagdinig sa Senado si Rodriguez matapos mapagkasunduan ng mga miyembro ng Senate Blue Ribbon na ipa-subpoena ito.

Sa bungad pa lamang ng pagdinig ng Blue Ribbon na may kinalaman sa sugar fiasco, ay agad na inalam ni Senador Risa Hontiveros kung present sa ikatlong hearing si Rodriguez.

Nang malaman na hindi na naman ito sumipot, humirit na ang senadora na i-subpoena ang Executive Secretary para maobliga ito na siputin ang pagdinig.

Ang mosyon ni Hontiveros ay sinegundahan ni Minority Leader Sen. Koko Pimentel.

Matatandaan na sa unang pagdinig ay umattend si Rodriguez pero hindi nagtagal at agad na nagpaalam dahil aniya sa Cabinet meeting.

Pagdating sa pangalawang pagdinig ay hindi na sumipot si Rodriguez  dahil sa isang Cabinet meeting hanggang sa ikatlong hearing ng komite ngayong araw dahil sa state visit ng Pangulo.

Sa pinadalang sulat ni ES sa mga senador ngayong araw Setyembre 6, sinabi nito na dahil sa instruction ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ay hindi ito nakadalo sa pagdinig.

Ayon pa sa sulat ni ES, handa itong sumagot sa mga katanungan ng komite sa pamamagitan ng written inquiries, bagay na sinopla ni Hontiveros.

Nagpatawag ng executive session si Senate Blue Ribbon Committee Atty. Francis Tolentino para dinggin ang mosyon ni Hontiveros at Pimentel.

Si Pimentel, sinubukan na awatin na ang executive session.

Hindi raw kasi dapat pinag-aaksayahan ng panahon ang ES at baka aniya magduda pa ang taumbayan sa kanila kung idaan sa executive session ang usapin sa pagpapataw ng subpoena.

Pagkatapos ng 15 minuto ay agad natapos ang executive session at inanunsyo ni Tolentino na mayorya sa mga Senate Blue Ribbon members ay kinatigan ang mosyon ni Risa.

11 sa mga miyembro ng komite ay bumoto na i-subpoena si Rodriguez sa pamamagitan ng secret balloting.

Pero ilang oras lamang ay biglang sumipot sa Senado ang Executive Secretary matapos mabuo ang desisyon ng komite na i-subpoena ito.

Nag-courtesy muna kay Senate President Migz Zubiri si Rodriguez saka dumiretso sa hearing.

Dahil dumalo naman agad ang executive secretary sa hearing, hindi na pinirmahan ni Zubiri ang subpoena.

Nagpahayag ng kanyang paumanhin si Rodriquez sa harapan ng mga senador.

Sinabi naman ni Zubiri na ang pagdalo ni Rodriquez sa hearing ngayong araw ay mula sa utos ni PBBM.

Kinastigo rin aniya ni Zubiri si Rodriquez kung bakit sinabi nito sa sulat na dahil sa Presidente kaya siya hindi sumipot ng pagdinig kaninang umaga.

Sa hearing, nilinaw ng opisyal na hindi siya nagbigay ng go signal para aprubahan ang SRA Order No. 4.

 

Follow SMNI News on Twitter