Escudero sa Kamara: Hindi kayo kapantay ng impeachment court

Escudero sa Kamara: Hindi kayo kapantay ng impeachment court

SINAGOT ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang mga pahayag ni San Juan City Representative Ysabel Maria “Bel” Zamora nang kuwestiyunin nito ang desisyon ng Senado na ibalik sa Kamara ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Giit ni Escudero — magkaiba ang papel ng parehong kapulungan ng Kongreso.

“Hindi kami magkapantay pagdating sa bagay na ito. Hindi ito House at Senate kung saan co-equal ang mga ahensyang iyan. Sa parte ng impeachment, korte ang Senado, prosecutor ang Kamara,” ayon kay Sen. Francis “Chiz” Escudero Presiding Officer, Impeachment Court.

Una nang tinuligsa ni Zamora ang hakbang ng Senado na ibalik sa Kamara ang Articles of Impeachment. Ayon sa kanya, trabaho ng Senado ay litisin at magdesisyon sa kaso — hindi suriin ang naging proseso sa mababang kapulungan.

Ngunit tinutulan ito ni Escudero, at ipinaliwanag na may kalayaan ang bawat senador — bilang miyembro ng impeachment court — na magsalita, magtanong, at ipahayag ang kanilang pananaw.

“May nakalagay ba sa rules na bawal magsalita ang miyembro ng korte? Na ito lang ang puwede nilang sabihin o tanungin? Hindi. Bawat impeachment judge ay may kalayaang magsalita at ipahayag ang kanilang pananaw. Hindi ito dapat pigilan,” saad ni Sen. Francis “Chiz” Escudero.

Binigyang-diin niya na ang Senado, bilang isang deliberative body, ay may tungkuling pag-usapan at pagbotohan ang anumang mosyon, lalo na kung ito ay may kinalaman sa legalidad ng impeachment.

“Kung gusto ninyo na ang Korte Suprema lang ang puwedeng magsabi kung ano ang tama o mali, ibig bang sabihin ni isang miyembro ng Senado ay walang karapatang magkuwestyon o magsalita? Siyempre puwede. Malaya kaming pagdebatehan iyon,” ani Sen. Francis “Chiz” Escudero.

Batay sa Saligang Batas ng 1987, malinaw na ang Senado lamang ang may kapangyarihang litisin at magdesisyon sa mga kasong impeachment.

1987 Constitution

“The Senate shall have the sole power to try and decide all cases of impeachment.”

– Article XI, Section 3, Paragraph 6

Sa huli, iginiit ni Escudero na ang Korte Suprema pa rin ang may huling salita pagdating sa interpretasyon ng Saligang Batas.

Ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte ay ibinalik ng Senado sa Kamara matapos itong aprubahan sa botong 18 pabor, 5 tutol.

Ayon sa resolusyong ipinasa ng Senado, kinakailangan munang malinawan ang isyu ng one-year bar rule sa ilalim ng Konstitusyon, at tiyaking handa ang Kamara na ituloy ang kaso sa 20th Congress.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble