NILAGDAAN na ng kasalukuyang administrasyon nitong Martes ang Self-Reliant Defense Posture (SRDP) Revitalization Act.
Layon nitong palakasin pa ang mga estratehiya ng depensa ng bansa gamit ang sariling yaman at kakayahan nito.
Ang nasabing batas ay dinisenyo upang linangin at mapanatili ang Pambansang Industriya ng Depensa sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang sistematikong pamamaraan sa pagpapaunlad ng depensa.
Sa panig ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang Self-Reliant Defense Posture (SRDP) Revitalization Act ay isang hakbang tungo sa tamang direksiyon.
Ito ang inihayag ng tagapagsalita ng AFP na si Col. Francel Padilla sa isang pulong balitaan nitong Martes.
“As far as SRDP this is very good step in the right direction. We’ve actually been waiting for this to come. This actually solidifies our zeal towards having this capability internally,” ayon kay Francel Margareth Padilla Spokesperson, AFP.
Aniya, sa pamamagitan ng nasabing batas ay mas mapapabuti ang mga kagamitan ng AFP at magagamit ang kaalaman ng mga Pilipino kaugnay sa paglikha ng armas.
“So ito ma-enhance natin ‘yung indigenous materials that we have, creativity of the Filipino, and of course, how we would be making our armaments and other equipment that we have that is actually based on the needs on the Philippine setting,” dagdag ni Padilla.
Sa nasabing batas, binibigyang prayoridad nito ang pananaliksik at pag-unlad para mapahusay at mai-update ang mga sistema ng depensa at upang matugunan ang mga natatanging pangangailangan at manatiling nangunguna laban sa posibleng mga banta.