Ex-Defense Chief: Marcos Jr., walang ginagawa para ayusin ang isyu sa WPS

Ex-Defense Chief: Marcos Jr., walang ginagawa para ayusin ang isyu sa WPS

ISANG kumplikado at sensitibong usapin ang isyu sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea na may kinalaman sa karapatan at soberanya ng Pilipinas.

Ibig sabihin, kinakailangan itong pagtuunan ng seryosong atensyon ng mga mataas na opisyal ng bansa lalo na ng Pangulo dahil sa ilalim ng Saligang Batas, ang Presidente ang chief architect ng foreign policy.

Pero ayon kay Norberto Gonzales, dating kalihim ng Department of National Defense, sa eksklusibong panayam ng SMNI News, kaya lalong umiinit ang tensyon ay dahil halos wala umanong ginagawa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang ayusin ang problema.

“Hindi malinaw ang posisyon ng presidente natin eh tingin ko pa nga halos hindi siya kumikibo tungkol sa isyu na yan kaya kung presidente ang titignan natin hindi malinaw kung anong dereksyon natin tungkol sa tsina,” ayon kay Norberto Gonzales Former Sec, DND.

Maliban dito, binigyang-diin ni Gonzales na base sa 1987 Constitution ng Pilipinas, malinaw na dapat isinusulong ng Pangulo ang isang independent foreign policy. Pero ang problema, ayon sa kanya, wala umanong matibay na paninindigan ang kasalukuyang administrasyon sa usaping ito.

“Yon ang mahirap eh walang posisyon ang ating pangulo,” saad nito.

Matatandaang gumulong sa Kongreso ang imbestigasyon sa umano’y fake news tungkol sa South China Sea na inalmahan ng political analyst na si Professor Anna Malindog Uy.

Ayon sa kanya, mas nararapat ipaubaya ang isyung ito sa Department of Foreign Affairs, dahil ito raw ang may sapat na kakayahan at kaalaman sa diplomasya.

“Tapos in aid of legislation. Ano ang i-li-legislate mo? Do we need legislation on South China Sea issue? Really? I think the South China Sea is more of diplomacy. Ibato mo ‘yan sa Department of Foreign Affairs,” ani Prof. Anna Malindog Uy, Political Analyst.

Kaugnay nito, may payo si Gonzales sa Kongreso upang matamo ang respeto hindi lang mula sa China kundi sa buong mundo.

‘’Ang kailangan diyan umaksyon ang kongreso dahil nasa konstitusyon natin na dapat ang klase ng ating armed forces ay citizens army pagpapatupad lang yan sa sinasabi ng konstitusyon na ang ating mga kabataan ay maging bahagi ng reserve,’’ saad ni Gonzales.

“Ay dapat importante yan kasi makakatulong ng malaki yan sa pakikipag-ugnayan natin sa Tsina makaktulong yan kung hihingi tayo ng tulong sa larangan depensa sa iba’t ibang bansa kasi kailangan may respeto sa atin eh ako naniniwala na kapag sinimulan nating sinanay ang ating mga kabataan ay gaganda ang imag natin sa daigdig,” wika nito.

Sa ngayon hindi pa naipapatupad ang mandatory military training sa mga kolehiyo at unibersidad sa pilipinas

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble