Executive Order ni PBBM para sa mandatory ROTC, hiling ng NYC

Executive Order ni PBBM para sa mandatory ROTC, hiling ng NYC

PANAWAGAN ni National Youth Commission (NYC) Chairman Ronald Cardema na magbigay ng Executive Order si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa mandatory ROTC para tuluyan na itong maumpisahan sa mga paaralan.

Sa programa ng SMNI na Laban Kasama ang Bayan ngayong araw, binigyan diin ng Chairman ng National Youth Commission na si Ronald Cardema ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mandatory ROTC.

Iminungkahi rin ni Cardema ang mandatory Girl Scouts and Boy Scouts para sa elementary level, mandatory Citizen Army Training (CAT) para sa high school level at mandatory ROTC para sa colleges at university level.

Ayon kay Cardema, ang importansya ng pagkakaroon ng mga nabanggit na patakaran sa lahat ng antas ng pag-aaral ay para mabigyan ng patriotikong diwa ang mga kabataan sa sariling bayan.

Dagdag pa ni Cardema na kahit pag sama-samahin pa ang populasyon ng Singapore, South Korea at Israel ay mas malaki pa rin ang populasyon ng Pilipinas.

Kung bibigyan ng disiplina at maayos na gabay ang mga kabataan ay malaki ang tiyansa na mai-angat ang kalagayan ng bansa dahil ang kabataan ang pag-asa ng bayan.

Sa kabilang banda naman, mayroong 80% na kabataan ang sang-ayon sa pagsusulong ng mandatory ROTC at ang natitirang iilan sa 20% ay mula sa mga makakaliwang grupo ng mga kabataan.

Kaya naman, hiling ni Cardema kay Pangulong Marcos ang mandatory ROTC.

Dagdag pa ni Cardema na ang mga nangyayaring korupsiyon, hazing, at iba pang mga isyu na nangyari sa nakaraan ay hindi na muling mangyayari pa.