FPRRD, kinuwestiyon ang paglilipat ng excess funds ng PhilHealth

FPRRD, kinuwestiyon ang paglilipat ng excess funds ng PhilHealth

SINAGOT ng PhilHealth ang banat ni Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte laban sa kanila kaugnay sa paglilipat ng halos P90-B na excess fund.

Binanatan kamakailan ni FRRD ang administrasyong Marcos dahil umano sa maling pamamahala ng pondo ng gobyerno.

Binigyang-diin ni Dating Pangulong Duterte na hindi mahalaga ang pagdinig ng Kamara kaugnay sa paggamit ng Confidential Funds ng Office of the Vice President kumpara sa mas malalaking isyu ng bansa.

Isa sa mga partikular na isyu tinutukoy ng dating pangulo ay ang paglilipat ng halos P90-B na excess fund ng PhilHealth.

“Ang tingin ko na mas mabigat ng problema na dapat malaman ng Pilipino is nag hemorrhage ang country. Pati nga ‘yung PhilHealth na hindi dapat sa gobyerno, contribution natin ‘yan,” ayon kay Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“’Yung P60 billion na inilipat nila. That is the most dangerous, at dapat — P***ng i***g Estafa ‘yan,” giit ni FPRRD.

“Government malversed the money of the people. Ginamit niyo ‘yung pera ng . Even Congress cannot do that. Trust fund ‘yun eh. Galing inyo iyan pati akin,” aniya pa.

PhilHealth sa birada ni FPRRD: Antayin na lang natin na ang Supreme Court ang maghusga

Sa isang press conference nitong Lunes, sinagot ng PhilHealth ang birada ng dating pangulo.

“Ako personally kasi may TRO nga, nag-file na ng kaso sa Supreme Court eh. The Supreme is the highest court in the land. Antayin na lang siguro natin na sila ‘yung maghusga or magsalita,” wika ni Emmanuel Ledesma Jr., President, PhilHealth.

Matatandaan na noong Abril, inutusan ng Department of Finance ang PhilHealth na ibalik ang halos P90-B na excess fund upang mailaan sa unprogrammed funds sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act.

Pagsapit ng Oktubre, P60B na ang nailipat sa National Treasury, at inaasahan pa sanang madaragdagan pa ito pagdating ng Nobyembre.

Pero naglabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order laban sa paglilipat ng nasabing pondo.

Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, dikta ng Kongreso ang naturang fund transfer.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble