MANANATILI ang kasalukuyang roster ng Gilas Pilipinas kahit pa natalo ang koponan sa huling dalawang laro ng FIBA Asia Cup 2025 Qualifiers noong nakaraang linggo.
Tugon ito ni Coach Tim Cone sa panawagan na dapat kumuha ng karagdagang manlalaro para sa national team upang mapalakas ito.
Ayon kay Coach, marami pa aniyang dapat isaalang-alang na hindi nakikita ng karamihan at hindi basta kukuha lang ng isang manlalaro upang dagdagan ang roster. Aniya, dadaan pa ito sa isang proseso. Mangyayari lamang na magdadagdag o magbabawas sila ng manlalaro kung may mga kasapi ng team na hindi na sasali.
Ang kasalukuyang roster ng Gilas na naglaro sa FIBA qualifiers ay sina AJ Edu, Justin Brownlee, June Mar Fajardo, Scottie Thompson, Japeth Aguilar, Jamie Malonzo, Chris Newsome, Calvin Oftana, CJ Perez, Kevin Quiambao, Dwight Ramos, at Carl Tamayo.