Grupo ng mga negosyanteng Chinese-Filipino, maglulunsad ng “Friendship Walk” sa Maynila

Grupo ng mga negosyanteng Chinese-Filipino, maglulunsad ng “Friendship Walk” sa Maynila

ISANG “Friendship Walk” ang gustong gawin ng FFCCCII sa Maynila sa Linggo bilang pakikiisa nito sa pagdiriwang ng Independence Day ng bansa.

Hanggang ngayon mainit pa rin ang issue sa West Philippine Sea, sa katunayan kinondena ng Philippine Navy ang ginawang military exercise ng China sa Sabina Shoal kamakailan na bahagi ng pinag-aagawang teritoryo.

Ang issue sa WPS, ayaw nang patulan ng grupo ng mga negosyanteng Filipino-Chinese.

Muling sinabi ni Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc (FFCCCII) President Dr. Cecilio Pedro, na dapat isantabi ang issue gayong maaari namang paghatian ang malaking karagatan.

“Alam niyo ‘yong problema natin sa China, doon sa WPS, walang mangyayari diyan di ba. We will never give up our sovereignty. That is given. Hindi tayo papayag na igi-give up ang sovereignty. Hindi pupwede ‘yon. But China have their own concern, their own problem, they don’t want also to give up.  Ayaw din nila sumuko diyan. Dahil importante ang China Sea para sa kanila. So paano na lang tayo? Gusto niyo bang papunta sa gyera? Hindi naman mabuti para sa atin di ba? So, nobody wants a war in this area. So, the best thing is set aside.  Itabi muna natin ang problema na ‘yan. Let’s jointly use the area. Pwede kayong pumasok. Pwede rin kaming pumunta. Tubig lang ‘yan. Hindi naman lupa. Kapag pumasok sa lupa. Iba na ang usapan. Tubig ‘yon. Gusto niyo mag-fish, sige mag-fish tayo. Hindi naman problem ‘yon. There is enough to share,” ayon kay Dr. Cecilio Pedro, President, FFCCCII.

Giit pa nito, mas makakabuti na pagtuunan ng pansin ang kalakaran para guminhawa ang buhay ng mga Pilipino.

“Let’s promote trade. Let us promote things that need to be promoted. Marami tayong dapat pagsamahan, dapat gawin para umunlad ang bayan natin. Una rito ay pagpapatayo ng hindi POGO ha, manufacturing, manufacturing ang gawin natin para may trabaho,” ayon kay Pedro.

Sa darating na Linggo, Hunyo 9 ay magsasagawa ng “Lakad Magkakaibigan” o “Friendship Walk” ang FFCCCII sa Maynila bilang pakiisa sa Independence Day sa Hunyo 12 at para sabihin na ang mga Tsinoy ay kaibigan ng mga Pilipino.

Ito ay kasabay na rin sa paggunita sa Filipino-Chinese Friendship Day.

Ang “Lakad Magkakaibigan” ay dadaluhan ng nasa 5,000 na miyembro ng FFCCCII.

Magsisimula ang “Friendship Walk” ng alas-singko ng umaga ng Linggo sa Binondo Intramuros Bridge sa Binondo, Manila at magtatapos sa Bonifacio at Katipunan Revolution Shrine sa Padre Burgos Avenue, Manila.

Sa aktibidad ay magkakaroon ng wreath laying ceremony para sa mga rebolusyunaryo na nagpakita ng kabayanihan para sa kasarinlan ng Pilipinas gaya ni Jose Rizal at ang mga Filipino-Chinese Guerillas na nakipaglaban sa mga Japanese Military Invaders at iba pang Chinese Immigrant na naging Filipino revolutionary.

Ang “Lakad Magkakaibigan” ay sabayang gagawin sa iba pang lugar sa bansa gaya ng Bacolod, Cebu, Tacloban, at Palawan.

“Ito po ay isang project para malaman po ng mga Pilipino na ang mga dugong Tsinoy ay nandito para sa Pilipinas. Nandito po kami dahil kami po ay naniniwala sa bayan natin. Kami po ay tumutulong sa bayan natin at gusto naming umunlad ang bayan,” ani Pedro.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter