AABOT sa halos ₱4B halaga ng methamphetamine hydrochloride, o kilala sa tawag na shabu ang narekober ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) katuwang ang ibang law enforcement agencies.
Ayon sa report, namataan ng mga mangingisda na palutang-lutang sa karagatan na bahagi ng Pangasinan ang nabanggit na ilegal na droga mula pa noong Hunyo 5–6 taong kasalukuyan.
Ang naturang mga shabu ay isinilid sa 588 vacuum-sealed transparent plastic packs, na may bigat na aabot sa mahigit 500 kilo.
Dagdag pa ng mga awtoridad sa sobrang dami nito nasa halos 30 mangingisda ang nakasaksi sa mga lumulutang na shabu na nakita partikular sa mga bayan ng Dacap Sur, Bani, Pangasinan; Boboy, Agno, Pangasinan; at Luciente I Balingasay, at Poblacion, sa bayan ng Bolinao, Pangasinan.
Sinabi ni PDEA Director General Usec. Isagani Nerez na ang mga tunay na bayani ay ang mga mangingisda dahil agad nila itong isinurender sa mga awtoridad.
Kung matatandaan Mayo 29 noong nakaraang taon nasa mahigit isang bilyong pisong halaga naman ng ilegal na droga ang natagpuan ng mga mangingisda na palutang-lutang sa karagatan ng bahagi ng Masinloc, Zambales.