PINABABASURA ni Dating Malacañang Spokesperson Atty. Harry Roque ang reklamong qualified human trafficking na isinampa laban sa kanya sa Department of Justice (DOJ).
Matatandaang isinama ng Presidential Anti-Organized Crime Commission at PNP CIDG si Roque sa supplemental Complaint Affidavit ng mga ito laban kina Cassandra Ong at sa iba pang respondents.
Naghain na ng kontra salaysay si Roque sa pamamagitan ng kaniyang abogado kung saan pinababasura niya ang reklamo sa DOJ panel prosecutors.
Sa ipinadalang pahayag ni Roque, wala aniyang basehan ang reklamo.
Sinabi ni Roque na pagkakasangkot niya sa Whirlwind Corporation at Lucky South 99 Outsourcing Inc. ay bigla lang aniya naisipan ng PAOCC at CIDG.
Ang bukod-tanging ebidensiya nga umano na hawak ng mga ito laban sa kaniya ay ang pagsama niya kay Ong sa isang meeting kasama ang mga opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corporation noong July 26, 2023 at wala daw ilegal sa nangyaring pagpupulong.
Ayon kay Roque, walang ebidensiya na magpapakita na nakilahok siya sa gawain ng trafficking at wala ring conspiracy.
Samantala, kinumpirma naman ni Prosecutor General Richard Fadullon, na nakapaghain na nga ng counter affidavit si Roque gamit ang notaryo na may tatak mula sa embahada ng Pilipinas sa Abu-Dhabi.
Pero ayon kay Fadullon, magpapatawag pa ang prosekusyon ng clarificatory meeting kung saan dapat humarap si Roque sa panel of prosecutors.
Hindi anila kasi nila basta-basta tatanggapin ang dokumento lalo pa’t wala sa hurisdiksiyon ng Pilipinas si Roque.
Harry Roque, nakalabas na ng Pilipinas; Kontra salaysay na isinumite nito, may tatak ng embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi ayon sa prosekusyon
Pero ayon kay Roque hindi siya haharap sa susunod na pagdinig.
Ayon kay Roque, wala na siya Abu Dhabi sa ngayon at nagtungo lang daw siya doon para mag-subscribe ng kaniyang affidavit.
Pero kinumpirma nitong wala siya ngayon sa Pilipinas.