SA darating na Disyembre 13 ngayong taon, ikakasa ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagtataas ng alert status sa operasyon nito sa buong bansa bilang paghahanda sa pagdiriwang ng Kapaskuhan.
Tatagal ang alerto hanggang Enero 6, 2025 katuwang ang Department of Transportation (DOTr) para masigurong ligtas ang publiko sa pagbiyahe sa kalupaan, karagatan, at sa himpapawid man kung saan aalalay rito ang lahat ng district installations ng PCG.
Ayon sa Coast Guard, tuwing panahon ng Kapaskuhan tumataas ang bilang ng mga pasahero patungo sa mga kilalang destinasyon o isla at probinsiya sa bansa para magbakasyon at ipagdiwang ng mga Pilipino ang Pasko.
Bagay na pinaghahandaan nito ang posibleng volume ng trapiko sa mga pantalan kasabay ng pagdagsa ng mga mananakay rito.
Partikular na babantayan ng Coast Guard ang Western ng bansa kabilang na ang Batangas, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Aklan, Iloilo, Zamboanga regions. Habang sa Eastern seaboard kasama ang Manila, Bicol Region, Samar, Leyte, at Surigao Province.
Pakikilusin din nito ang K9 units at security teams para sa istriktong inspeksiyon sa mga pasahero at mga bagahe nito habang nakaantabay rin ang mga ilang patrol teams para matiyak na pagdiriwang ng Pasko hindi lang sa mga Pinoy kundi maging sa mga dayuhang turista.