NARESOLBA ng Philippine National Police (PNP) ang 4,082 kaso ng mga pulis mula Enero 1 hanggang Agosto 30, 2023.
Kabilang dito ang 935 dismissals from the service, 242 demotions, 1,850 suspensions, 159 forfeiture of salary, 680 reprimands, 110 restrictions, at 106 withholding of privileges.
Ayon kay PNP Public Information Office chief Police Colonel Jean Fajardo, ang hakbang ng PNP ay nagpapakita na hindi sila natitinag na tiyaking nasusunod ng kanilang mga tauhan ang pinakamataas na pamantayan ng propesyonalismo at integridad.
Nagsisilbi rin aniya itong babala sa kanilang mga tauhan na gagawa ng maling gawain ay mahaharap sa kaukulang parusa kabilang dito ang pagkakasibak sa serbisyo.
Siniguro ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. na patuloy nilang pinalalakas ang kanilang Internal Disciplinary Mechanism at ipinatutupad ang Doctrine of Command Responsibility at Police Operational Procedures sa bawat miyembro sa ground.