Honeylet at Kitty Duterte, muling nadalaw si dating Pangulong Duterte

Honeylet at Kitty Duterte, muling nadalaw si dating Pangulong Duterte

MULING nabisita ng mag-inang Honeylet Avanceña at Kitty Duterte si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang detention facility sa International Criminal Court o ICC

Sa kanilang pagdalaw, ibinahagi ni Honeylet na nananatiling matatag at maayos ang kalagayan ng dating pangulo. Patuloy aniya ang kanyang panalangin at pananalig na isang araw, makakalabas din siya sa pagkakapiit.

‘’Ayos lang siya. Nagdasal kami. Sabi niya, makakalabas talaga siya. Sabi ko, ‘Totoo.’ Ipinagpapakita niya talaga ‘yon,’’ ayon kay Maam Honeylet Avanceña.

Pagdating sa posibilidad na makabalik si dating Pangulong Duterte sa Pilipinas, buo ang pananalig ni Honeylet na may mas mataas na kapangyarihang kikilos para maisakatuparan ito.

“God will make a way. Gawa ito ng tao pero ang gawa ng Diyos ay hindi na kayang labanan ng tao. Hindi kayang baligtarin ng sinumang tao. Even ng demonyo is acknowledging that there is Jesus Christ,” saad ni Maam Honeylet Avanceña.

Nagpaabot din ng pasasalamat ang dating Pangulo sa kaniyang mga tagasuporta, kasabay ng panawagan na ipagpatuloy ang laban.

‘’Sa mga tagasuporta, nagpapasalamat siya at sinabing magpatuloy lang. Lagi niyang sinasabi, ‘Mabuhay ang Pilipinas.’ Maraming salamat talaga. Alam niya na may mga taong pumupunta rito,’’ ani Avanceña.

Samantala, ibinahagi ng mga Pilipino sa Netherlands kay Honeylet ang kanilang mga alalahanin hinggil sa posibleng mangyaring dayaan sa darating na halalan sa Mayo 12. Ayon sa kanila, may takot silang muling maganap ang mga hindi pagkakapantay-pantay at pandaraya sa proseso ng pagboto.

Gayunpaman, mariing itinanggi ni Honeylet na may kakayahan silang manipulahin ang halalan, lalo na kapag ang dami ng boto para sa mga kandidatong ini-endorso ni dating Pangulong Duterte ay malaki at overwhelming. Sa kabila ng mga isyung ito, naniniwala si Honeylet na hindi na ito magagapi o magagambala kapag ang boto ng bayan ay tunay at malakas.

”Tungkol diyan sa dayaan, limitado lang ang magagawa nila. Sinasabi ko sa inyo, hanggang doon lang sila. Kapag sobrang laki ng boto, hindi na nila kayang dayain. Ganyan na rin ang nangyari noong 2016. May dayaan pa rin noon pero dahil napakarami ng bumoto sa kanya, hindi pa rin ito umubra,’’ wika nito.

Kaya muling hinimok ni Honeylet ang publiko na bumoto nang deretsahan sa mga kandidato ng PDP-Laban.

“Sympre botohan nato. Kaila naman ta kinsa atong botohan. Kating tinuod na tao ug tinood na magserbisyo – PDP. Palihug lang,” sabi nito.

Samantala, sa pag-endorso naman ni Vice President Sara kay Senator Imee Marcos para sa pagka-senador, sinabi ni Honeylet na alam ito ni dating Pangulong Duterte ngunit nananatiling tikom ang kaniyang bibig sa nasabing isyu.

“Oo, alam na niya. Wala siyang sinabi,” saad nito.

Sa kanyang personal na pananaw, pinili na lamang ni Honeylet na sarilinin ang kanyang saloobin ukol sa isyung ito.

‘’Sa akin na lang ‘yon. Itatago ko na lang. Walang makakakita,’’ ayon nito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble