NANANATILING mababa ang mga natatanggap na pasyente sa mga ospital sa kabila pa rin ng mabilis na pagdami ng bilang ng mga kaso sa COVID-19 ayon sa Department of Health (DOH).
Sa weekly bulletin ng DOH, makikitang tumaas sa 50% ang mga bagong COVID-19 infections kung saan nasa average ito mula 260 hanggang 389 noong nakaraang linggo.
Ang mga hospitalization ay nasa antas na 12.9% lamang ng 1,101 beds sa intensive care units (ICU) at 18.3% ng 10,045 non-ICU bed na inookupahan ng mga pasyenteng may COVID-19 at nasa 8.8% o 211 indibidwal naman ang nasa malubha o kritikal na kondisyon.
Sa kasalukuyan, may 4,780 na ang aktibong kaso ng COVID-19.
Pinayuhan ni Health Chief Ted Herbosa ang publiko na protektahan ang sarili mula sa iba pang respiratory diseases tulad ng influenza at influenza like illnesses sa pamamagitan ng pagsusuot ng face mask at manatili sa bahay kung may sintomas.