DINAAN sa pamisa ng Kamara ang pagtanggi ng Senado na tanggapin ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Araw ng Martes, Hunyo 10, nang pagpasyahan ng Senado na ibalik sa Kamara ang reklamo, kasabay ng paglalatag ng mga kondisyon bago nila ito muling tanggapin.
Kabilang sa mga kondisyon ang pakikipag-ugnayan sa 20th Congress, na doon umano dapat ituloy ang pagtalakay sa impeachment.
Ngunit ayon sa isang miyembro ng House Prosecution Panel, hindi malinaw ang ipinataw na kondisyon ng Senado.
“Ang prosecution panel po ay nalalabuan dito sa naging order ng impeachment court kagabi,” ayon kay Rep. Gerville Luistro, Member, House Prosecution Panel.
Giit ni Luistro, maghahain sila ng mosyon para klaruhin sa Senado ang nasabing kondisyon.
“It is impossible to be complied with. Because first of all, 20th Congress doesn’t exist yet. Tayo po ay nasa ika-labing siyam na Kongreso pa lamang,” aniya.
Sabi ng House Prosecution, dapat magsimula ang impeachment trial sa loob ng kasalukuyang 19th Congress.
Tiniyak din nila na sumusunod sila sa one-year rule on impeachment—isa sa mga isyung pinalilinaw ng Senado.
Gayunman, hindi pa rin tahasang sinagot ng grupo kung susunod sila sa utos ng Senado.
“We do not defy, we do not disobey, we are merely deferring receipt of the same to give way for the clarification of these issues surrounding actions taken by the Senate last night,” dagdag nito.
Aminado ang mga kongresista na wala na sa kanilang mga kamay ang susunod na hakbang sa usapin ng impeachment.
At mula naman sa lider ng Senado, isang tahasang paalala:
Escudero sa Kamara: Wala kayo sa lugar para hindi sumunod sa amin
“Sa parte ng impeachment, korte ang Senado, prosecutor ang Kamara. Wala sa lugar para sa akin ang Kamara na hindi sumunod sa pinag-uutos ng impeachment court,” saad ni Senate President Francis Escudero, Presiding Officer ng Senate Impeachment Court.