BUMIDA ang iba’t ibang talento na ipinamalas ng mga mag-aaral sa isinagawang Regional Festival of Talents (RFOT) na inilunsad sa bayan ng San Manuel, Pangasinan.
Isinagawa ang RFOT sa pangunguna ng Department of Education (DepEd)-Region 1 sa tulong ng mga local government units (LGUs) at iba pang ahensiya ng pamahalaan.
14 school division sa Region 1 ang lumahok sa Regional Festival of Talents, kung saan hindi bababa sa 50 mga mag-aaral ang delegado sa bawat dibisyon.
Ayon kay DepEd Region 1 Director Tolentino Aquino, 6 na taon nang isinagawa ang RFOT ngunit noong panahon ng pandemya ay sa virtual lamang ito naisagawa.
Layunin aniya ng aktibidad na mabigyan ng oportunidad ang mga mag-aaral na maipakita ang kanilang talento at kasanayan.
Dagdag ni Aquino, ang mananalo sa RFOT ay tutungo at makikilahok sa National Festival of Talents na gaganapin sa Cagayan de Oro City sa Hulyo 17 – 21, 2023.
“Tayo ay nagkaroon ng paghinto noong tayo ay nasa ilalim ng pandemya at ‘yung mga panahon na ‘yun ay ginagawa natin ito ng virtual. So, ngayon after three years ay muli nagbalik tayo sa in-person activities natin. Nais nating ibalita sa ating mga tagasubaybay na matapos ang ating Regional Festival of Talents ang ating mga winners dito ay pupunta at makikilahok sa ating National Festival of Talents na gaganapin sa Cagayan de Oro City,” ayon kay Tolentino Aquino, Director, DepEd-Region 1.
Kabilang sa mga talento na ipinamalas ng mga mag-aaral ay ang pagkanta, pagsayaw, at iba’t ibang larangan ng sining.
Tampok naman sa aktibidad ang ‘bayle sa kalye’ kung saan nagsasayaw ang mga kalahok nang maramihan.
Pag-host ng San Manuel sa RFOT, malaking tulong para makilala ang bayan
Samantala, ipinagmamalaki ni San Manuel Municipality Mayor Kenneth Perez ang pagiging punong-abala ng kanilang bayan sa isinagawang RFOT na kauna-unahang nangyari sa kanilang lugar.
Ayon kay Perez, malaking tulong ang aktibidad para mas makilala ang kanilang bayan partikular na ang turismo.
“I know, sa katulad naming bayan na nasa liblib, malaking tulong ito para mas makilala ang bayan ng San Manuel sa iba’t ibang probinsiya ng Region 1. Sana makatulong po ito sa pag-usbong ng turismo ng aming bayan,” ayon kay Mayor Kennet Perez, San Manuel, Pangasinan.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Mayor Perez sa lahat ng mga ahensiya at LGUs na tumulong upang maisakatuparan ang RTOF sa kanilang bayan.