Ikatlong pagdinig sa posibleng pag-amyenda sa Saligang Batas, isasagawa ngayong araw sa Senado

Ikatlong pagdinig sa posibleng pag-amyenda sa Saligang Batas, isasagawa ngayong araw sa Senado

AASAHAN na magiging patas ang pagdinig ng Senado ngayong araw sa posibleng pag-amyenda sa Saligang Batas ng bansa.

Tiniyak ito ni Senador Robin Padilla Miyerkules ng gabi, nang binanggit niya na magpapatawag pa rin ang kanyang komite ng eksperto sa Saligang Batas, at pati ang mga pro-federalism at pro-1987 Constitution.

Dagdag ni Padilla, chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, maaaring gawin sa malalayong lugar ang ilang pagdinig para maintindihan ng karaniwang Pilipino sa probinsiya ang mga iminungkahi na pag-amyenda sa Saligang Batas.

“Ayaw kong isipin ng mga tao din na maging one-sided tayo. Hindi ito ipapatawag natin puro federalist lang. Ipatatawag din natin ang naniniwala sa 1987 Constitution at ito ay gagawin natin ang hearing na ito sa malalayong lugar,” aniya sa panayam sa NET-25.

Magkakaroon muli ng pagdinig ang komite ni Padilla ngayong araw ng Biyernes, Setyembre 2.

Kasama sa mga inaasahang dadalo ay sina:

* National Security Adviser Dr. Clarita Carlos

* Prof. Solita Monsod

* Mr. Orion Perez Dumdum ng Constitutional Reform and Rectification for Economic Competitiveness and Transformation (CoRRECT).

Sa mga nakaraang pagdinig, inimbita ang mga dalubhasa na parehong pabor at hindi sa pagbabago sa Saligang Batas.

Ipinunto ni Padilla na ang mga pagdinig ay para sa kaunlaran ng bayan, at hindi sa bangayan.

Dagdag niya, layon ng mga pagdinig ang mag-ipon ng kaalaman para sa dulo ay alam nila kung ano ang pangangailangan ng ating mga kababayan sa ngayon.

Follow SMNI News on Twitter