VIRAL ngayon sa social media ang video ng anim na bus ng GV Florida Transport na nakitaang nag-uunahan habang binabagtas ang Diadi-Cordon Road sa Nueva Vizcaya patungong Cagayan.
Umani ito ng mga negatibong komento mula sa netizens dahil sa kapuna-punang panganib ng insidente sa mga pasahero at iba pang motorista.
Ilan sa mga ikinababahala nila ay ang kaligtasan ng mga sakay nitong pasahero.
Sa katunayan, sa facebook post ng uploader na si Carlo Carbonel – isang pasahero na sakay ng bus ang nagpadala sa kanya ng mensahe.
Sa nasabing mensahe, sinabi ng pasahero na umabot sa 125 kilometro kada oras ang takbo ng bus at ilang beses ding tumunog ang alarma ng sasakyan dahil sa bilis.
Nakarating na sa Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang viral video.
Bilang tugon, agad na isinailalim sa 30-day preventive suspension ang 15 yunit ng GV Florida Transport na bumibiyahe sa mga rutang Sampaloc–Sta. Ana, Cagayan at Baguio–Apayao.
Base sa paunang ulat, lumabag ang mga drayber sa tamang pagmamaneho sa pamamagitan ng patuloy na pag-overtake at palit ng linya habang nasa kalsada.
‘’Nagpatawag na ng hearing ang LTFRB sa June 25. Pinatawag ‘yung Florida bus company na magpaliwanag. Pero, habang nagpapaliwanag sila suspendido na ang kanilang prangkisa,’’ ayon kay Sec. Vince Dizon.
Inatasan din ng DOTr ang LTFRB na magsagawa ng mandatory drug testing sa lahat ng drayber ng kumpanya.
Bukod dito, suspendido rin ng 90 araw ang lisensya ng anim na drayber na sangkot sa karerahan.
‘’Mayroon pang paparating na penalties and I personally told Chairman Guadiz to set the maximum penalty against Florida bus dahil sa ginawa nilang ito. Hindi porket na walang nasaktan at walang nadisgrasya ay ganon-ganon na lang?’’saad nito.
Sa opisyal na pahayag ng Florida Bus Company, humingi ito ng paumanhin sa publiko. Ayon sa kanila, hindi kinakatawan ng insidente ang mga patakaran at pamantayang sinusunod ng kanilang kumpanya.
Nagpasalamat ito sa patuloy na suporta at pang-unawa ng publiko habang inaayos nila ang isyu sa responsable at maayos na paraan.
Sa kabila nito, hindi tinanggap ni Transportation Secretary Vince Dizon ang paghingi ng paumanhin ng kumpanya.
‘’Apology not accepted. Hindi puwede, ano ‘yun sorry? Papaano kung may namatay doon. Akala mo, ginawa nilang sports car ang mga bus nila,’’ ani Sec. Vince Dizon.