NASUNDAN pa ang marahas na pag-atake ng Philippine National Police – Special Action Force (PNP-SAF) sa mga KOJC religious compound noong Hunyo a-10.
Pero ang target nila ngayon, isang pribadong pamamahay sa Davao del Sur.
Napag-alaman ng SMNI NEWS na ang nasabing pamamahay ay pinuntahan ng anim na sasakyan lulan ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group magaalas-otso ng gabi noong Hulyo a-1.
Kwento ng may-ari na si Aling Beverly, siya ay nagulatang ng makitang napapalibutan ang kaniyang pamamahay ng higit tatlumpung armadong pulis.
‘’Nagtaka na lang ako nang may humintong sasakyan sa harapan. Nang sumilip ako, nakita ko ang mga naka-uniporme at may armas. Natakot ako at nanginginig na ako,’’ ayon kay Aling Beverly.
‘’Nag-spot-spot sila. Marami sila. Ano ito? Bakit dito huminto at bakit nakaharap dito? May mga armas sila. Sabi ko, ano ang gagawin nila sa akin?’’ tanong ni Aling Beverly.
Dahil sa takot, tinawag ni Aling Beverly ang kaniyang pamangkin na si Aljun.
Pero yun nga lang ay halos hindi pa aniya papasukin ang kaniyang pamangkin ng mga pulis dahil bawal umano.
‘’Tumawag si Auntie. Dali akong pumunta dito. “Jun, pumunta ka dito, Jun.” Nagtago siya dahil natakot,’’ saad ni Aljun.
Sa pagdating ni Jun, nagsimulang nagtanong tanong ang mga pulis.
Anila, mayroon umano silang hinahabol na pumasok sa nasabing bahay.
‘’Sir, pwede bang tingnan natin ang loob? Baka nandiyan nagtago.” May hinahabol sila. Dalawa. “Ano po ba ang hinahabol ninyo, sir?” Matangkad at mataba raw. Dito raw papunta,’’ ayon kay Aljun.
‘’Ang kwento nila dito papunta. Nakita raw nila. Pumasok daw dito. Sa madaling salita, nandiyan na sila dati,’’ ani Aljun.
Hinaluglog aniya ng mga pulis ang lahat ng pamamahay hanggang sa likurang bahagi.
Ayon kay Aljun, kung hindi lang daw sinabi ng mga pulis na nasa loob na ng kanilang pamamahay ang kanilang hinahabol ay hindi niya sila papasukin.
Aniya wala naman kasing ipinakitang dokumento ang kapulisan gaya ng search warrant o warrant of arrrest o kahit kasamang taga-barangay para patotohanan ang legalidad ng kanilang operasyon.
Anila, trauma at takot ang idinulot ng pagpunta ng mga pulis sa kanilang pamamahay.
Kaya hiling sana nila sa mga awtoridad na ang mandato ay ‘to serve and to protect…’
‘’Dapat makipag-coordinate sila kung may papasukin silang lugar, dapat mapaalam nila sa kapitan para mapaghanda tayo kung sino ang kanilang pakay at ano ang kanilang layunin para hindi tayo mabigla. Hindi tayo mabigla na makita sila sa ating bakuran,’’ ayon kay Aling Beverly.
‘’Para sa akin Maam, kung may hinahabol sila, dapat ipaalam nila. Mag-coordinate sila sa barangay o sa mga kinauukulan. Ipaalam na may raid sila o ano pa man,’’ saad ni Aljun.
Batay sa Section 2, Article III ng Bill of Rights, karapatan ng bawat tao na maging ligtas ang kanilang sarili, mga bahay, mga papeles, at mga ari-arian laban sa mga di-makatuwirang paghahalughog at pagsamsam ng anuman at para sa anumang layunin.
May karapatan ang bawat tao na tanungin ang pangalan ng mga pulis at kung ano ang kanilang awtoridad para gawin ang kanilang operasyon.
Maaari ring alamin kung may suot silang body camera o anumang recording device. Ito ay para masiguro na dokumentado ang kanilang operasyon.
Ipahayag din ang inyong karapatan na mag-video upang maprotektahan ang inyong mga karapatan.
Matatandaan na ang kahalintulad na pangyayari ay naganap din sa mga religious compound ng KOJC kung saan pwersahang inatake ng mga kapulisan ang mga nasabing lugar.
Dahil dito, nagdulot ito ng trauma sa daan-daang KOJC missionary worker, mapamatanda man o bata.
Habang sa Kitbog naman, dalawang miyembro na ng Blaan tribe ang ang nasawi dahil sa pagkatrauma sa ginawa ng mga pulis sa pagsulong sa kanilang mga kabahayan.