NAGING mainit ang usapin ng supplemental budget ng lalawigan ng Cebu matapos magpatawag ng Special Session ang Office of the Governor sa Provincial Board nitong huling linggo, para isulong ang P1.2B supplemental budget.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News Team kay Cebu Vice Governor-elect Glen Soco, sinabi ni Soco na gagamitin ang naturang pondo para sa mga proyekto ng mga board member ng Sangguniang Panlalawigan at hindi para sa Office of the Governor.
“There is a supplemental budget na (balak) ipasa in the amount of 1.2 billion na budget galing sa executive na ilipat sa Sangguniang Panlalawigan. Of course, the vice governor being the head of the Sangguniang Panlalawigan na siyang administrator of the budget, but that doesn’t mean to say na kinuhanan namin ng budget ang executive, dahil hindi maipapasa ang supplemental budget kung wala itong fund source,” saad ni Glen Soco, Vice Governor-Elect, Province of Cebu.
Ani Soco, bago pa man maupo si Governor Gwendolyn Garcia noong 2019, ang naturang pondo ay nasa pangangalaga ng Sangguniang Panlalawigan ngunit nailipat lamang ito sa executive department noong naupo na si Garcia.
Ang naturang pondo ay gagamitin ng mga miyembrong Sangguniang Panlalawigan, para sa kani-kanilang mga proyekto sa iba’t ibang mga distrito ng lalawigan.
Kaya plano ng incoming vice governor, kung hindi man maipasa ang supplemental budget ngayong nalalabing sesyon ng Sangguniang Panlalawigan, balak nitong isulong sa susunod na pag-upo sa kaniyang termino ngayong darating na Hulyo.
Matatandaaang, umani ng samu’t saring reaksiyon mula sa mga Cebuano ang naturang supplemental budget nung lumutang ang isyu nitong nakaraang linggo.
Ngunit hindi ito naaprubahan matapos bigong makabuo ng quorum ang Sangguniang Panlalawigan (PB) ng Cebu sa isang special session na idineklarang urgent noong Miyerkules, Mayo 21, 2025.
Samantala, sa pag-upo ni Soco bilang bagong bise gobernador ng Cebu, pinaghahandaan nito ang bagong set-up ng Sangguniang Panlalawigan, kung saan mula sa 19 na board members, madadagdagan ito ng dalawa dahil sa pagkakahiwalay ng Mandaue City bilang lone district ng lalawigan.
“The current set-up of Sangguniang Panlalawigan is one Vice Governor at 17 na board members. Sa susunod na Sanggunian which is the 17th Sanggunian, madadagdagan kami ng dalawa dahil ang nangyari sa aking distrito na binubuo ng Mandaue, Consolacion at Cordova, nahati ito by virtue of a Comelec Resolution kung saan binigyan ang lone district ng Mandaue ng dalawang representasyon sa provincial board kahit na highly urbanized city [ito]. Medyo unique ang case na ito noh? So, in effect, magiging 19 na kami,” saad ni Soco.
Magkaiba man ang partido nina incoming Vice Governor Glen Soco at incoming Governor Pamela Baricuatro sa politika, tiniyak ni Soco na hindi ito makaaapekto sa pagseserbisyo nila sa kanilang mga sinasakupan.