Inflation ng bansa, patuloy na bumabagal sa 6 na buwan—PSA

Inflation ng bansa, patuloy na bumabagal sa 6 na buwan—PSA

ANIM na buwan nang sunud-sunod na bumabagal ang inflation rate ng Pilipinas sabi ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Nitong Hulyo 2023 naitala ang 4.7% na inflation o usad ng presyo ng bilihin at serbisyo.

Ito na ang pinakamababa mula noong Marso 2022.

Noong Hunyo 2023, ang inflation ay naitala sa antas na 5.4%, at 6.4% naman noong Hulyo 2022.

Ang pangunahing dahilan ng pagbagal ng inflation ay ang mas mabagal na paggalaw ng presyo ng bayad sa kuryente, renta sa bahay at liquefied petroleum gas (LPG) na sinundan ng food at non-alcoholic beverages tulad ng karne ng manok, isda, at puting asukal.

Nag-ambag din ng malaki sa pagbaba ng inflation ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng transport tulad ng pamasahe sa jeep, eroplano, at bus.

Pero inaasahan ayon kay Usec. Dennis Mapa na posibleng may pagtaas sa presyo sa mga produkto at serbisyo dahil sa nagdaang Bagyong Egay.

“Because we were hit by the typhoon, may mga expectations kami na as nakikita naman namin ito in the past years kapag may typhoon parang mayroong spike dito sa presyo ng gulay,” ayon kay Usec. Dennis Mapa, National Statistician.

Gobyerno, patuloy na nakatutok sa target inflation na 2-4% bago matapos ang 2023

Dahil dito ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio M. Balisacan, kinakailangang maging mapagbantay lalo na’t nahaharap ang bansa sa pabago-bagong panahon, pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo at mga trade restriction sa pagkain sa kabila ng nararanasang downtrend ng inflation.

“While we continue to experience a downtrend in inflation, we need to be vigilant, especially as we face increasingly volatile weather disturbances as well as external headwinds such as oil price increases and trade restrictions on food,” ayon kay Secretary Arsenio M. Balisacan, NEDA.

Gobyerno, nakatuon sa pagpatutupad ng mga hakbang vs epekto ng bagyo at El Niño sa ekonomiya

Tiniyak ni Balisacan sa publiko na patuloy na mino-monitor ng gobyerno ang sitwasyon ng supply at demand ng mga pangunahing bilihin upang makamit ang target ng administrasyon na 2 hanggang 4 na porsiyentong inflation sa pagtatapos ng taon.

At upang matiyak na ang mga bagyo at El Niño ay hindi makaaapekto sa inflation at ekonomiya ng bansa, sinabi ni Balisacan na ang pamahalaan ay gumagawa ng mga hakbang upang i-deploy ang resources nito sa mga apektadong lugar gayundin ang paghahanda ng patakaran at on-the-ground response.

Aniya magpatutupad ang pamahalaan ng mga kinakailangang hakbang upang maiwasan ang pagtaas ng presyo, maprotektahan ang purchasing power ng mga pamilyang Pilipino, at mapanatili ang pagbangon ng ekonomiya.

“The government will implement necessary measures to prevent price spikes, protect the purchasing power of Filipino families, and sustain our economic recovery and momentum,” ani Balisacan.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble