Isang taong state of calamity, idineklara sa buong Eastern Visayas

Isang taong state of calamity, idineklara sa buong Eastern Visayas

IDINEKLARA ang isang taong state of calamity sa buong Eastern Visayas para mapabilis ang pagsasaayos ng San Juanico Bridge, ang tanging permanenteng tulay na nag-uugnay sa mga pulo ng Samar at Leyte.

Sa bisa ng Proclamation No. 920 na inilabas noong Hunyo a-5 ngayong taon, idineklara ng pangulo ang isang taong state of calamity sa Region 8.

Alinsunod ito sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council dahil sa umano’y mga seryosong depekto sa istraktura ng San Juanico Bridge.

Matatandaang ipinatupad ang tatlong-toneladang load limit noong Mayo a-kinse sa mga sasakyang dumaraan sa tulay, na agad namang nagdulot ng pagkaantala sa pagbiyahe ng mga mahahalagang suplay tulad ng pagkain, gamot, materyales sa konstruksyon at iba pa.

Kaya naman, inaasahan na magbibigay-daan ang deklarasyong ito para mapabilis ang pag-access sa mga pondo na mapagkukunan para sa mga kinakailangan sa pagsasagawa ng proyekto.

Samantala, pinayuhan naman ang mga ahensya ng gobyerno, mga lokal na pamahalaan, at ang mga pribadong sektor na magtulungan para matiyak ang mabilis na pagsasaayos ng nasabing tulay.

Mahalaga ang agarang rehabilitasyon ng San Juanico Bridge para maibalik ang normal na daloy ng kalakalan at transportasyon sa buong rehiyon at mga karatig lugar nito.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble