SA mga biyahero papunta o paalis ng Southeast Asia, may malaking pagbabago sa linya ng eroplano, inanunsyo ng Jetstar Group na tuluyan nang ihihinto ang operasyon ng Jetstar Asia simula Hulyo 31, 2025.
Inanunsyo ng Jetstar Group ang desisyong ihinto ang operasyon ng Jetstar Asia simula Hulyo 31, 2025, matapos ang masusing pagsusuri sa estado ng negosyo.
Ayon sa kumpanya, naharap ito sa tumataas na gastos at matinding kompetisyon sa rehiyon.
Simula ngayon, unti-unting babawasan ang flight schedule hanggang sa tuluyang pagtigil sa Hulyo.
Nilinaw ng Jetstar na hindi apektado ang mga biyahe ng Jetstar Airways (JQ) at Jetstar Japan (GK).
Ang mga may booking hanggang Hulyo 31 ay posibleng magkaroon ng pagbabago sa iskedyul at aabisuhan ng airline. Ang walang natanggap na abiso ay susunod sa orihinal na flight.
Pasaherong may flight mula Hulyo 31 pataas ay makatatanggap ng buong refund o alternatibong biyahe.
Nangako ang Jetstar Group ng suporta para sa mga empleyado at pasaherong maaapektuhan.