NATAGPUANG walang buhay sa loob ng CR sa kanyang headquarters si Philippine Army 2nd Lt. Stephanie Rebellon, Enero 15 ganap na alas onse ng umaga sa Fort Bonifacio Taguig.
Batay sa inisyal na impormasyon, iniimbestigahan na ng Philippine Army (PA) ang pagkamatay ni Rebellon na nakitang may tama ng bala sa ulo nito.
Nadala pa sa ospital ang katawan ni Rebellon ngunit idineklara din itong dead on arrival.
Nagpaabot ng pakikiramay ang pamunuan ng PA sa naiwang pamilya ni Rebellon kasabay nito ang pangako na isasagawa ang internal investigation para malaman ang posibleng dahilan sa nasabing insidente.
Sa ngayon wala pang matibay na anggulo ang buong PA sa nangyari kay Rebellon maliban sa suicide.
Patuloy na hinihintay ang detalye ng militar kaugnay sa mga labi nito habang tiniyak ng Army ang masusing pakikipag-ugnayan nito sa Philippine National Police (PNP) para tingnan ang lahat ng anggulo sa pagkamatay ng biktima.
Batay sa rekord ng Army, produkto si Rebellon sa Philippine Military Academy (PMA) “Bagsik Diwa” Class of 2022.