NAGHAIN na ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng request para sa interim release o pansamantalang pagpapalaya nito sa hindi idinetalyeng lugar.
Kasalukuyang nakakulong ang dating pangulo sa detention facility ng International Criminal Court (ICC) dahil sa mga kasong may kaugnayan sa kaniyang drug war campaign.
Sa isinumiteng dokumento ng kampo ni FPRRD, sinabi ni Atty. Nicholas Kaufman na hindi maituturing na ‘flight risk’ o may kakayahang tumakas ang dating pangulo.
Matanda na rin anila si FPRRD kung kaya’t sana’y payagan na ang pansamantalang kalayaan nito.
Sinabi rin ng defense team ni FPRRD na ang mga krimen na ibinibintang laban dito ay nangyari noong siya ay pangulo pa ng Pilipinas.
Dahil wala na siya sa posisyon ay wala na itong kapangyarihan para gawin muli ang naturang mga krimen.
Sa panig ng ICC, natanggap nila ang request ng kampo ni FPRRD noong Hunyo 9, 2025.
Matatandaang Marso 11 nang arestuhin si FPRRD at sa kaparehong araw ay dinala na ito sa Netherlands.