IGINIIT ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) sa kakatapos lang na Chiefs of Defense Conference sa Fiji.
Nasa bansa na ngayon si AFP Chief of Staff General Romeo Brawner, Jr.
Ito’y matapos na dumalo sa katatapos lang na Chiefs of Defense Conference noong nakaraang linggo na ginanap sa Fiji.
Bukod sa Pilipinas, kasama rin ang iba pang military leaders mula sa 26 na mga bansa.
Tinalakay sa naturang komperensya ang iba’t ibang hamon at oportunidad sa Indo-Pacific Region partikular na sa usapin ng pangangalaga sa karapatan ng bawat bansa kaugnay sa seguridad at sa bawat teritoryo nito.
Mula sa kaniyang pagdalo, kinumpirma ng heneral na isiniwalat nito sa mga kasamahan nito sa komperensiya ang insidenteng nangyari sa isang barko ng Pilipinas na biktima ng water canon attack ng Chinese Coast Guard nitong nakaraang Agosto 5 2023.
Ayon sa heneral, mismong ang kinatawan ng People Liberation Army ng China ay nagpakita ng pagsang-ayon sa muling paggiit ng pamahalaan sa claim ng bansa sa mga islang pinag-aagawan sa West Philippine Sea (WPS) kasama na ang Ayungin Shoal.
Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng paninindigan at paniniwala sa claim ng dalawang bansa naniniwala pa rin ang lahat ng kasaping military leaders dito na maaari pang madaan sa maayos na usapan ang sigalot na ito sa panig ng dalawang bansa at sa iba pang bansa na sumusuporta sa diplomatikong paraan sa usapin ng agawan ng isla sa WPS.
Samantala, anumang araw mula ngayon ay opisyal nang tutungo ang re supply mission ng Pilipinas patungo sa Ayungin Shoal.
Bitbit ng mga ito ang mga pagkain, tubig at iba pang kagamitan para sa mga sundalong nakabase sa Ayungin Shoal matapos itong naharang ng isa sa mga barko ng China.
Sa ngayon, muling nilinaw ng Pilipinas na walang ibang hangad at misyon ang pamahalaan kundi ang maihatid ang mga suplay na ito at hindi ang makipaggirian sa alinmang bansa.