ITINAON sa araw ng prayer rally ang paglalabas ng Department of Justice (DOJ) ng aksiyon laban kay Pastor Apollo C. Quiboloy.
Inatasan ni Justice Secretary Boying Remulla ang City Prosecutor ng Davao na kasuhan si Pastor Apollo at limang iba pa.
Aminado si Remulla na napakahirap gawin na idemanda ang isang tao na katulad ni Pastor Quiboloy, na kaniya ring malapit na kaibigan ngunit kailangan aniyang umusad na sa hustisya.
Para naman sa eksperto sa batas na si Atty. Ferdinand Topacio, kuwestiyunable ang timing ng lahat ng pangyayari.
“Well alam ninyo kahina-hinala ang timing nitong lahat ng ito. Unang-una ‘yung pagdinig at pag-suspinde ng prangkisa ng SMNI. Pagkatapos, ‘yung pagpapakulong kay Ka Eric at saka kay Usec. Badoy. Pagkatapos, halos sabay yan ha- March 5 bukas at saka March 12 sa Senado at saka sa House pinatatawag si Pastor Quiboloy. Sinasabihan na aarestuhin kung hindi siya dadalo. Ngayon naman biglang pasok ‘yung DOJ?” pahayag ni Atty. Ferdinand Topacio, National Chairman, Citizens Crime Watch.
Para kay Atty. Topacio, kahit bata ay mababasa na ginigipit lamang ng gobyerno ang butihing Pastor.
Dahil ang mga sangay ng lehislatura at ehekutibo ay nagsasabwatan para ma-corner ito.
“At saka may naririnig-rinig pa tayong rendition o extradition. Talagang kitang-kita na natin ang pattern ng panggigipit kay Pastor Apollo C. Quiboloy,” dagdag ni Topacio.
Nakiisa naman sa prayer rally ang taga-Citizens Crime Watch para igiit ang kalayaan ng mga Pilipino mula sa mga iregularidad sa kasalukuyang administrasyon.
Ayon kay Topacio na national chairman ng grupo, makikita ang sinseridad ng mga miyembro at supporters ng KOJC sa panawagang hustisya para sa butihing Pastor.
“Hindi naman sa nananakot tayo ano? Pero kung ako ang pamahalaan, kapag makikita ‘yung mukha ng mga ‘to, hindi lamang po to naririto para maki-osyoso o makisama lang. Nakikita ninyo ang determinasyon nila na ipaglaban ang karapatan ni Pastor Quiboloy at ng sambayanang Pilipino,” diin ni Topacio.
Nakikita naman ng Citizens Crime Watch na mapupukaw ng nangyaring prayer rally ang interes ng iba pang mga Pinoy na magsalita at ipahayag ang kanilang saloobin sa mga ganap ngayon sa bayan.
“Dapat lamang dahil labis-labis na po! Alam ninyo kung magagawa nila ito kay Pastor Quiboloy, ay magagawa nila ito sa kahit sinong Pilipino,” aniya.
Muli namang tiniyak ng mga supporter ni Pastor Apollo na hinding-hindi nila iiwan ang butihing Pastor kahit anumang laban. Mapa-legal man o sa daanan.