Kongresista, kinasuhan sa Ombudsman dahil sa umano’y hindi natapos na proyekto

Kongresista, kinasuhan sa Ombudsman dahil sa umano’y hindi natapos na proyekto

ISANG reklamo ng malversation of public funds ang isinampa ng Citizens Crime Watch laban kay Quezon City 4th District Representative Marvin Rillo sa Office of the Ombudsman.

Hinahanap ng grupo ang P71M budget na inilaan para sa pagpapatayo ng isang multi-purpose center sa Carlos Albert High School—isang proyektong iniugnay kay Rillo.

“Ito po ang naging hitsura noong project na ‘yun. Pero nakita po namin sa posting ng DPWH eh 100% completed. Pero nang ito po ay inaugurate, ipinangalandakan po ito ng isang congressman natin sa Quezon City, si Congressman Marvin Rillo na ito ay kaniyang proyekto,” ayon kay Jigs Magpantay, National President, Citizens Crime Watch.

Pero ang kuwestiyon ng grupo—kung talaga anilang tapos na ang proyekto, bakit hanggang ngayon, puro bakal na poste pa lang ang nakatayo?

Sa halip na isang kumpletong pasilidad, mga pundasyon at bakal lang anila ang makikita sa site, taliwas sa iniulat ng DPWH na “100% completed” na ang proyekto.

“Kaya tayo po ay nagsampa ng kaso sa Office of the Ombudsman para malaman po natin kung ano po ba talaga itong project na ito. ‘Pagkat ito ay malaking kabawasan po sa kaban ng bayan,” saad ni Magpantay.

Sa kabila ng alegasyon, wala pang pahayag mula sa kampo ni Rillo sa kabila ng pagsisikap ng SMNI News na makuha ang kaniyang panig. Bukas ang aming himpilan para sa anumang pahayag mula sa kongresista.

Giit naman ng complainants, hindi ito isang election-related attack kundi bahagi ng kanilang patuloy na pagsubaybay sa mga proyekto ng gobyerno.

Bukod kay Rillo, pinaiimbestigahan din ng grupo ang DPWH na siyang nangasiwa sa implementasyon ng proyekto.

“Kasi sasabihin na naman nila timing eleksyon. Ang Citizens Crime Watch walang eleksyon. Wala po kaming tinitignan kung ano ang panahon,” ani Magpantay.

Patuloy na binabantayan ng Citizens Crime Watch ang usaping ito habang hinihintay pa rin ang tugon ng kampo ni Rillo at ng DPWH.

Samantala, tiniyak ng grupo na magpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble