KASING-lamig, kasing-kalma at kasing-ganda ng Benguet ang nangyayaring halalan ngayong araw para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) dito.
Ito ay dahil buhay na buhay pa rin ang Inayan Culture ng mga kababayan nating Igorot na susi sa magandang relasyon ng mga magkakalabang kandidato sa lalawigan.
Ang salitang ‘Inayan’ ay nangangahulugang pigilan ang isang indibidwal na gumawa ng isang hindi magandang gawain sa iba– bagay man, tao o hayop. Nangangahulugan din itong ‘pagkatakot’ kay Kabunian, ang Diyos ng mga kababayan nating Cordilleran at ang paniniwala na kung ano ang ginawa mo, ito ay babalik din sayo.
Sa panayam ng SMNI News kay dating Benguet Gov. Cresencio Pacalso, naniniwala ang dating opisyal na malaki pa rin ang impluwensiya ng kanilang kulturang Inayan lalo na sa relasyon sa pagitan ng mga magkakalabang kandidato kaya nanatiling pinakatahimik at mapayapa ang kanilang pagdaraos ng halalan.
“Sa Cordillera, lalong-lalo na dito sa Benguet, ang isa sa pinakatahimik, mapayapa na lugar pagdating ng eleksyon. Ang isang dahilan dito ay ang isang kaugalian ng mga Cordilleran na tinatawag naming ‘Inayan’ na parang may ‘karma’. Iyon ang nasa isip ng karamihan sa amin kaya parang ayaw mong gumagawa ng hindi maganda o hindi mabuti dahil babalik din sa’yo ‘yan.”
“Kaya dito, ‘pag mga fiesta-fiesta, Adivay, pagkakasalubong ng lahat-lahat, ang mga magkakaaway kahit hindi magkatunggali sa eleksyon kung nasa party o mga pulong, cordial lang, talagang nag-uusap. Hindi ‘yung kung pwede pagdating nung isa, aalis naman ‘yung isa. Walang ganunan dito. ‘Pag nandiyan ka, ‘O, halika rito, dito ka na rin umupo,’ mga ganyan. So, dahil doon parang nakasanayan na rito at hanggang sa panahon na ito, ganun pa rin ang nangyayari.”
“Medyo maingay na rin ngayon dahil sa pagpasok ng teknolohiya, may mga nagto-trompa-trompa diyan, naglalakad, pero hanggang doon lang. Kahit nga magkakasunod iyang ilang kandidato… pero may respeto pa rin. ‘Pag nauna ‘yung isa, hindi naman sisingit ‘yung isa na magpapalakasan ganun. ‘Pagka ganun, paunahin mo na, ‘pag umalis, eh di ikaw na din o ‘di kaya lampasan mo, doon ka muna sa kabila,” ayon kay ex-Gov. Cresencio Pacalso, Benguet.
Pero aminado si Pacalso na ikinababahala nila ngayon sa kanilang mga kabataan sa gitna ng makabagong panahon kung saan lantad na ang mga ito sa iba’t ibang kultura ng mga taga-ibang lugar.
Pero aniya, patuloy pa rin ang kanilang pagpapaalala sa mga kabataan sa kanilang tradisyon at kultura.
Inihalintulad din ng dating opisyal ang Inayan na kautusan ni Kabunian na kanilang Diyos sa kautusan ng Panginoon na ‘Love Thy Neighbor’.
“Kaya nga ang nangyayari kaya nga… halimbawa sa amin sa Ibaloi, ay ang punto naming ngayon ang mga kabataan ang pinupuntirya namin na para ‘yung kultura ng Ibaloi at saka ‘yung mga tradisyon ay malaman nila at kung pwede ay doon na rin ang sundan nila sa kanilang pakikiharap sa tao, pakihalubilo, at saka sa buhay din nila na ang ‘Inayan’ ay isang magandang kaugalian na alam naman natin na ‘yan ay alinsunod naman sa utos ng ating Diyos na ‘Love Thy Neighbor’” dagdag ni Pacalso.
Pagkakaisa ng magkakalabang kandidato sa Benguet at kultura ng mga Cordilleran, dapat tularan sa buong bansa–La Trinidad Mayor Salda
Para naman kay La Trinidad Mayor Romeo Salda, dapat tularan ng ibang rehiyon sa Cordillera Administrative Region maging ng mga politiko sa buong bansa ang kulturang Inayan ng Benguet.
Pinasalamatan din ni Mayor Salda ang kanilang mga ninuno na siyang nagsimula ng isang mapayapang pagsasagawa ng halalan.
“Siguro, in the entire Philippines, I think Benguet is one of the peaceful sa political affairs kung tungkol sa politika. Hope and pray that some of the regions will follow the Cordillera – CAR… kaya lang CAR eh may ibang member province na medyo affected but Benguet and the rest of the province in CAR are peaceful po. Hope and pray that some of our politicians will follow ‘yung ‘Inayan’ tradition and culture in Benguet,” pahayag ni Mayor Romeo Salda, La Trinidad, Benguet.
“We would like to thanks the former politicians, ‘yung mga forefathers namin na nag-umpisa ng political– dito sa munisipyo ng La Trinidad, the whole part of Benguet, peaceful naman, sila ang nag-umpisa. Dito naman kasi, hindi nag-iiba ang mga tao dito, medyo magkapatid din so peaceful talaga ang ginagawang eleksyon dito,” dagdag ni Mayor Salda.
Sa loob naman ng 15 taong pagsali sa eleksiyon, inihayag ng poll clerk ng Benguet State University na si Venus Alfredo na walang naging problema sa mga botante sa kanilang lugar dahil naging compliant ang lahat sa mga itinakdang alituntunin ng komisyon.
Kinilala rin ni Alfredo na isa sa salik kung bakit laging mapayapa ang halalan sa Benguet ay dahil na rin mismo sa kanilang mga politiko.
“Lahat po tayo, we are all voters, we would like a peaceful environment at ‘yun po ang ipapamana natin sa future generation po natin. So, I hope na sa lahat ng bahagi ng bansa natin, tularan po ninyo sa amin dito sa Benguet. Wala po kaming nagiging problema pagdating sa voters namin, pati po sa mga kandidato po namin. They are also just like… sa kultura po namin, talagang wala po kaming masasabi. They are very good example po ‘yung aming mga kandidato na tumatakbo sa anumang posisyon. Sila po ang nagdadala actually, kung bakit po peaceful din kami because they themselves are peaceful. And also, wala pong magiging problema kahit na hindi po kayo Igorot, kahit hindi po kayo from Benguet, once you have adopted this kind of culture, wala po kayong magiging problema. Magiging example po tayo sa future generations to come,” ayon kay Venus Alfredo, Poll Clerk, Benguet State University.
Samantala, para ngayong BSKE, may mensahe naman si dating Gov. Pacalso sa mga kandidatong nais magsilbi sa kani-kanilang komunidad.
“Sa ating mga kababayan na nagkainteres na manungkulan sa ating barangay, nagpapasalamat kami sa inyo sa inyong pinakita uli na kaugalian natin na tahimik at walang masamang nanyayari dito sa atin, walang masamang ginagawa ang ating mga kandidato sa ating nakaugalian na ‘Inayan’. Good luck na lang sa inyong lahat, ‘ika nga, ‘May the best person win’,” ayon pa kay Pacalso.
Ang Benguet ay may kabuuang 417,462 na rehistradong botante para sa barangay at 123,798 rehistradong botante para sa SK mula ‘yan sa 269 na barangay sa buong lalawigan.