SA panahon kung saan ang internet ay isa nang pangunahing pangangailangan sa edukasyon, trabaho, at komunikasyon, tila napag-iiwan ang ang maraming komunidad sa Tawi-Tawi na naghihintay pa rin ng maayos na signal.
Sa mga estudyante na kailangan pang umakyat ng burol para lang makakonekta, at mga pamilyang hindi pa nararanasan ang online services, malaking pag-asa ang hatid ng Free Wi-Fi for All program ng DICT.
Layunin ng nasabing programa na palawakin pa ang digital connectivity sa mga lugar na matagal ng hindi naaabot ng internet partikular na rito ang mga liblib at malalayong lugar sa Bangsamoro Region.
Sa mensaheng ipinarating ni DICT Undersecretary Paul Joseph Mercado iginiit nito ang kanilang pangakong isulong ang tunay na pag-unlad sa pamamagitan ng teknolohiya.
“Without connectivity, technologies won’t work properly. That is why our agency’s mission is clear: To bring connectivity to every corner of the nation,” ayon kay Usec. Paul Joseph Mercado.
Sa ilalim ng Digital Bayanihan, sisiguraduhin ng DICT na walang maiiwan sa digital transformation sa bansa.
Ang nasabing programa ay magbubukas pa ng mas maraming oportunidad partikular na sa edukasyon, ekonomiya at maging sa public services.
Dagdag pa ng DICT, may paparating pang proyekto para sa Tawi-tawi kasama na rito ang pakikipag ugnayan sa bansang Japan para sa wireless backbone network mula Zamboanga City patungong Tawi-tawi.
Nais din ng DICT na higit pang paigtingin ang broadband infrastructure ng Pilipinas, lalo na sa mga isla gaya ng Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi, na matagal nang nananabik sa maayos at mabilis na koneksyon.
Bahagi ito ng mas pinatibay at pinalawak na Digital Bayanihan project ng ahensya, kung saan kasama rin ang Bayanihan SIM Project at ang National Broadband Program na layong isulong ang tunay na digital inclusion para sa bawat Pilipino, saan mang sulok ng bansa.