MILYUN-milyong Pilipino, mula sa iba’t ibang panig ng mundo, ang buong tapang na nagpahayag ng kanilang suporta at saloobin para kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte—na ngayon ay nasa kustodiya ng International Criminal Court sa The Hague, Netherlands.
Sa gitna ng mga kontrobersya at hamon, hindi napigilan ang damdamin ng mga tagasuporta—marami ang gumamit ng social media bilang plataporma ng kanilang paninindigan, pagbubuhos ng damdamin, at panawagan ng pagkakaisa.
Hindi rin nag-atubiling lumabas sa kalsada ang iba, at nakiisa sa mga mapayapang kilos-protesta sa iba’t ibang panig ng bansa—bitbit ang paniniwala at pag-asang patuloy nilang ipinaglalaban.
Maging ang mga Overseas Filipino Workers ay hindi rin nagpahuli. Sa kabila ng distansya at pagod sa trabaho sa ibang bansa, buo ang kanilang loob sa pagpapakita ng maalab na suporta at pagmamahal sa dating pangulo.
Bilang konkretong hakbang ng pagkakaisa at pagkilos, sinimulan ngayong araw ng ilang FPRRD supporters ang “A Tree for FPRRD Movement” sa Talabaan Mangrove Planting Site. Taglay nito ang temang “Let’s keep planting hope – one tree at a time,” na nagsisilbing panawagan sa patuloy na pagtatanim hindi lang ng punla ng bakawan kundi ng pag-asa, pagkakaisa, at paninindigan.
Makikita sa isang Facebook post ng netizen ang mga kalahok—nakasuot ng berdeng damit, bitbit ang mga punla ng bakawan na umabot sa tatlong libo. Isang makulay at makabuluhang tagpo ng kolektibong pagkilos para sa kalikasan at para sa dating pangulo.
Walang pinipiling edad—bata man o matanda, hindi inalintana ang tindi ng init ng araw. Ang mahalaga, may ambag sila sa adhikain ng pagkakaisa at pangangalaga sa kapaligiran.
Samantala, layunin ng inisyatibang ito na pasiglahin ang pangangalaga sa kalikasan, mapatatag ang ating mga likas na depensa laban sa sakuna, at higit sa lahat—magtanim ng pag-asang sabay-sabay na hinahangad ng mga Pilipino.