Libu-libong tagasuporta ng Tatak Nene Aguilar Team, bumuhos sa Green Team Rally sa Las Piñas City

Libu-libong tagasuporta ng Tatak Nene Aguilar Team, bumuhos sa Green Team Rally sa Las Piñas City

Las Piñas City, Mayo 9, 2025 –Walang kaduda duda ang tagumpay ang Tatak Nene Aguilar Team nang salubungin sila ng mainit na suporta sa ikinasang Grand Rally ng grupo sa Aguilar Sports Complex sa Barangay Pilar, Las Piñas City ngayong Biyernes, Mayo 9, 2025.

Ang Team Aguilar o Green Team ay pinangungunahan nina Mayor April Aguilar, Vice Mayor Imelda “Mel” Aguilar, at Congressman Mark Anthony Santos kasama ang District 1 Councilors na sina Alelee Aguilar, Atty. Zardi Abellera, Brian Bayog, Robert Cristobal, Marlon Rosales at Mac Mac Santos. Habang sa District 2 naman sina Councilors Engr. Henry Medina, Lester Aranda, Luigi Casimiro, Tito Martinez, Macky Saito, at Euan Toralballa.

Sa ginanap na miting de avance ng mga kandidato ng Green Team, sumentro ang adhikain ng grupo sa patuloy na pagpaprayoridad sa kapakanan ng bawat Las Piñero kabilang na ang kalusugan, Kaalaman, Kaayusan, Kabuhayan, at Kinabukasan na patuloy na tinatamasa ng maraming residente.

Binigyang-diin ni Mayor April Aguilar ang importansiya ng bawat programa sa ilalim ng kanilang pamamahala ng running mate na si Vice-Mayor Imelda “Mel” Aguilar sa buong Las Piñas.

“Napaka-importante po ng mga programa sa Las Piñas, na magmula sa pagkapanganak hanggang sa pagkamatay ay halos libre lahat. Kapag nanganak may Lying-in Clinic sa CAA, kapag po na-ospital may green card po para sa libreng hospitalisasyon at libreng check-up taon-taon sa Hi- Precision,” pahayag ni Mayor April Aguilar.

Binanggit din ni Mayor April Aguilar ang dekalidad na edukasyon at libreng pag-aaral sa 109 na daycare centers ng lungsod gayundin sa grade school, high school at kolehiyo para sa mga Las Piñero .

Lahat ng mga programang ito ay nakasandig sa kaniyang ama na una nang nagtaguyod ng pagmamahal at malasakit sa mga Las Piñero.

“Kahit wala na ang aking amang si Mayor Nene patuloy ninyo kaming minamahal ni Mayora Mel, maraming-maraming salamat po.Tandaan po ninyo na ang administrasyon ni April Aguilar ay administrasyon na may serbisyong tapat, serbisyong may malasakit, at serbisyong prayoridad ang kapakanan ng bawat Las Pin̈ero,” diin pa ni Mayor April.

Samantala tapat na hangarin naman ang hatid ni Congressman Mark Anthony Santos sa mga taga-Las Piñas sa kanyang pagtakbo ngayong halalan.

“Sa bawat araw ng aking serbisyo, hindi ko po kailanman nakalimutan kung sino ang tunay kong amo—kayo pong mamamayan ng Las Piñas,” sabi ni Cong. Santos.

“Ang laban kong ito ay hindi laban para sa pansariling interes. Hindi ko kailanman ginamit ang posisyon para sa negosyo o kapangyarihan. Ako po’y lumaban upang magkaroon ng on-site socialized housing para sa informal settlers. Ako po ang nagsulong ng resolusyong maglaan ng ₱85 milyon para bumili ng lupa para sa mga maralitang pamilya,” dagdag pa nito.

Hinikayat din nito ang mga residente na bumoto para sa tama at lumaban sa mali na aniya’y laban ng pag-asa ng mga Las Piñero.

Sa panalo ng Tatak Nene Aguilar Team asahan ng mamamayan ng Las Piñas ang pagbuhos ng mas maraming proyekto at serbisyo.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter