OPISYAL nang nagsimula noong Biyernes, Marso 28, ang campaign period para sa mga lokal na kandidato mula sa district representatives hanggang sa miyembro ng Sangguniang Bayan.
Paalala ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga lokal na kandidato na sumunod sa mga regulasyon sa pangangampanya, gaya ng tamang sukat para sa campaign materials at ang tamang pagpapaskil nito sa mga piling lugar na pinahihintulutan ng komisyon.
Pinapayagan ang 2ft x 3ft na sukat para sa mga posters at standee, habang 3ft x 8ft naman sa mga streamers.
Dapat eco-friendly ang mga campaign materials. Bawal ang pagkakabit ng mga campaign posters sa mga puno, poste ng kuryente, tulay, at iba pang lugar na hindi kasama sa common poster area ng komisyon.
Pinapayagan naman ang pagpapaskil ng mga poster sa mga pribadong lugar, basta may pahintulot mula sa may-ari.
Pinaalalahanan din ang mga kandidato hinggil sa paggamit ng telebisyon at radyo sa pangangampanya, kung saan pinapayagan lamang silang magkaroon ng 60 minutong airtime sa mga TV station at 90 minuto naman sa mga himpilan ng radyo.
Ipinaalala rin ng COMELEC ang mga regulasyon laban sa vote buying at paggamit ng state resources sa pangangampanya. Ang mga lalabag sa panuntunan ng COMELEC ay maaaring maharap sa diskwalipikasyon.
Una nang sinabi ni COMELEC Chairperson George Garcia na mas mainit ang kampanya pagdating sa mga lokal na posisyon.
Kasabay ng pagsisimula ng campaign period sa lokal, nagsagawa ang COMELEC ng Grand Oplan Baklas sa Maynila upang tanggalin ang mga campaign materials na nakakabit sa mga ipinagbabawal na lugar, gaya ng footbridge, poste ng kuryente, at iba pa.
“Matagal na namin itong hinihintay. Syempre, hindi kami makapagtanggal kasi hindi pa sila kandidato—aspirant pa lang sila. Ngayon, opisyal na silang kandidato simula 12:01 A.M. Kaya ‘yong mga nasa maling lalagyan, mga maling pinaglagyan, tatanggalin natin,” pahayag ni Atty. George Garcia, Chairperson ng COMELEC.
Ayon sa COMELEC, ang mga muling maglalagay ng campaign materials sa hindi itinalagang common poster area ay padadalhan ng abiso ng komisyon. Kailangang alisin ang mga ito sa loob ng tatlong araw upang maiwasan ang show cause order at posibleng diskwalipikasyon.
“’Wag ninyong iboboto ang mga pasaway at hindi sumusunod sa patakaran. Alam nang bawal, doon pa rin naglalagay. Isa lang ang ibig sabihin—patigasan ng ulo at tinetest ang kapangyarihan ng Commission on Elections,” ayon pa kay Garcia.
Hinimok din ng COMELEC ang mga kandidato at kanilang supporters na magrespetuhan sa pagkakabit ng campaign posters.
“Kung may nakakabit na, ‘wag mong tatakpan. ‘Wag mong tatanggalin ‘yong nakakabit na. Nauna na ‘yon eh. Kaya po sa panahon ng pangangampanya, hindi tayo naggugulangan,” aniya pa.