Lokal na bigas, unahing bilhin bago isiping umangkat—Sen. Marcos

Lokal na bigas, unahing bilhin bago isiping umangkat—Sen. Marcos

HINIMOK ni Senator Imee Marcos ang National Food Authority (NFA) na unahing bilhin ang bigas ng mga local farmers.

Naniniwala si Sen. Imee na sa ngayon ay mas mabuting bumili ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka.

Aniya marami pa sa mga probinsiya ang nagbebenta ng bigas na nasa P25 kada kilo.

Dapat simutin muna ng NFA ani Sen.Marcos ang mga ito bago isipin ang importation bilang solusyon.

“Simutin muna. Ang dami pa sa Mindanao. Ang dami pa sa Nueva Ecija. ‘Yung biofertilizer, ang baba ng presyo ng ani nila. Nasa P25. Bakit hindi muna iyan ang bilhin?”

“Ang pagkaalam ko ang NFA, sitentaysingko, 75%, 3/4 of their budget remains intact. Hindi pa sila mamimili. Kailan pa sila mamimili?” pahayag ni Senator Imee Marcos, Republic of the Philippines.

Lokal na magsasaka, apektado kung aangkat ng bigas—Sen. Marcos

Dehado ani Sen.Marcos ang mga lokal na magsasaka kung mas pipiliin ng gobyerno ang mag-angkat ng bigas.

Paliwanag ng senadora na kung papasok ang mga imported na bigas ay magiging mas mababa ang presyo ng lokal na bigas at maaapektuhan nito ang mga lokal na magsasaka.

“At ang pinangangambahan na naman ng mga magsasaka sa amin eh baka naman pagpasok ng imported, sasapawan naman ‘yung bagong ani. Kasi mag-aanihan na sa bukid sa loob ng isang linggo. By the 3rd week of September all through October. That’s the major first harvest,” dagdag niSen. Imee.

Sen. Marcos: pag-angkat ng bigas, hindi sustainable

Dagdag pa ni Sen. Marcos na hindi aniya sustainable ang importation maging ang pagbibigay ng mga subsidiya.

“Importation is not sustainable neither are subsidies. But at the end of the day we have to invest in our countryside finally. So that we can become competitive and achieved food security,” aniya pa.

Sa ngayon, mahigpit na ipinapatupad ang Executive Order (EO) 39 ni Pangulong Ferdinand Marcos Kung saan ipinag-utos ang price ceiling sa P41 kada kilo para sa regular-milled rice at P45 kada kilo para sa well-milled rice.

Namahagi naman ng financial assistance ang mga gobyerno para sa mga apektadong rice retailers.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble