LRT-2 West Extension Project, naantala dahil sa kakapusan ng badyet at right-of-way issues

LRT-2 West Extension Project, naantala dahil sa kakapusan ng badyet at right-of-way issues

Taon-taon nang humihiling ng pondo ang Department of Transportation at Light Rail Transit Authority para sa LRT-2 West Extension Project. Ngunit dahil sa pagkaantala ng paglalaan ng kinakailangang budget, naudlot nang matagal ang pagsisimula ng konstruksyon.

Ayon kay LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera, mula sa orihinal na P10 bilyon, lumobo na ang kabuuang halaga ng proyekto sa P17 bilyon. Ito ay dahil sa pagtaas ng presyo ng mga materyales at gastos sa relokasyon ng mga apektadong residente.

‘’Kaya over the years, nag-increase na ang mga cost natin.  From the original na P10 billion plus na costing natin, naging P17 na  sa ngayon. But in the meantime, ang naging focus sa atin, ang ginagawa natin base doon sa marching order that we received from DOTr, Nagco-concentrate kami ngayon sa pag-aayos ng ating right of way,’’ ayon kay Atty. Hernando Cabrera, Administrator, LRTA.

Sa kasalukuyan, nakatuon ang LRTA sa paglutas ng isyu sa right-of-way upang mapabilis ang implementasyon sa oras na ganap nang mapondohan ang proyekto.

Kabilang sa mga preparasyong ginagawa ng LRTA ang pagtanggal ng mga sagabal gaya ng mga kawad ng kuryente, linya ng tubig, at relokasyon ng informal settlers na nasa ruta ng planong extension.

Sakop ng LRT-2 West Extension ang pagtatayo ng tatlong bagong istasyon – Tutuban, Divisoria, at Pier area na layuning palawakin ang saklaw ng mass transit system sa kanlurang bahagi ng Maynila.

Ngunit isa sa mga pangunahing balakid sa pagsisimula ng proyekto ay ang presensya ng informal settlers sa Pier area.

Kaugnay nito, sinabi ng LRTA na masinsin ang kanilang koordinasyon sa lokal na pamahalaan ng Maynila, dahil dito matatagpuan ang mga lugar na apektado ng proyekto.

Isa sa mga pangunahing alalahanin ng mga residenteng maaapektuhan ay ang uri ng relokasyon. Ayon sa LRTA, nais ng mga residente na manatili sa loob ng lungsod na tinatawag na “in-city relocation.”

Sa mga nakaraang proyekto gaya ng Cavite Extension, inilipat ang mga informal settler mula Parañaque at Las Piñas patungong General Trias, Cavite.

‘’But in the case of LRT west extension project, ang nagiging modality natin ngayon is, in-city, para hindi masyadong malaking impact sa ating mga apektadong kababayan. So malaking halaga ang kailangan dito kapag in-city ang gagawin nating relocation,’’ saad ni Atty. Hernando Cabrera.

Ipinunto ni Cabrera na malaking bahagi ng karagdagang gastusin ay dahil sa relokasyon ng mga informal settler. Kahit hindi sila direktang nasa linya ng proyekto, maaapektuhan pa rin sila habang isinasagawa ang konstruksyon, kaya’t kailangang mailipat sila nang maayos.

Samantala, ibinahagi ng opisyal na nasa final stage na ang negosasyon sa pagitan ng LRTA, Meralco, at Maynilad.

Nasa mga nasabing ahensya na ang final draft ng Memorandum of Agreement (MOA), na magsisilbing batayan kung paano isasagawa ang paglilipat o pag-aalis ng mga powerlines at water pipelines.

Habang hinihintay pa ang kumpletong pondo para sa proyekto, tiniyak ni Cabrera na sisiguraduhing maayos ang lahat ng isyung may kinalaman sa right-of-way upang wala nang sagabal sa mismong konstruksyon.

Sa ngayon, wala pa ring tiyak na petsa ng pagsisimula ng aktwal na konstruksyon ng LRT-2 West Extension Project.

‘’Yung aktwal na konstruksyon kasi would depend on the pocurement, yung resulta ng procurement. Ang problema naman natin sa procurement, you cannot start the procurement kung hindi kumpleto ‘yung budget mo. Actually ito ‘yung nag-delay noon pa.,’’ dagdag nito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble