IPINAGBIGAY-alam ng Department of Transportation (DOTr) na maaari nang gamitin ng mga pasahero ng LRT at MRT ang debit at credit cards pati na rin ang mga mobile wallet platform tulad ng GCash at PayMaya sa pagbabayad ng pamasahe.
Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, magsisimula silang mag-deploy ng mga cashless turnstiles para sa automatic fare collection system sa LRT at MRT ngayong Hulyo.
Kaya’t hindi na aniya kailangan pang bumili o mag-reload ng Beep card—ang contactless, stored-value smart card na kasalukuyang ginagamit sa pagbabayad ng pamasahe sa LRT at MRT.
“Mga bandang July ito ‘no, if I am not mistaken, i-implement na natin sa MRT at sa ibang mga tren natin. Alam ko, pati credit card puwede na, ita-tap mo na lang ‘no; iyong phone mo, ita-tap mo na lang, hindi ka na kailangang bumili ng Beep. Nakikita naman na natin ito sa ibang bansa,” wika ni Sec. Vince Dizon, DOTr.
Sinabi ni Dizon na magiging posible na para sa mga commuter na i-tap na lang ang kanilang mobile phone o bank card sa turnstile o sa mechanical gate, na binubuo ng revolving horizontal arms na itinayo sa isang vertical post.
“Malaking bagay din ito ‘no. Nagtaka nga ako bakit hindi ito kaagad na-implement, iyon pala kaya naman palang i-implement agad-agad, itong cashless option sa MRT,” dagdag ni Dizon.
Plano rin ng DOTr na mag-develop ng isang open-loop payment system na naka-integrate sa iba’t ibang financial platforms.
Nakikipagtulungan na ang DOTr sa mga transport operator at mga financial service provider upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng bagong fare collection systems.
Bago ito opisyal na ilunsad sa Hulyo, magkakaroon muna ng pilot testing at public information campaigns—para mapadali ang paglipat sa bagong sistema para sa lahat— operator man o pasahero.