NITONG nakaraang linggo, muling nagkaisa ang mga lehitimong transport organization sa Metro Manila para tutulan ang plano ng pamahalaang Marcos Jr. na dagdagan ang Motorcycle o MC Taxi players.
Giit nila, lalong mawawalan ng hanapbuhay ang mga nagta-taxi, nagta-tricycle at iba pang namamasahero sa pagpabor ng gobyerno na magdagdag ng MC Taxi.
“Ang usapan gusto mong mag-expand? Mag-probinsya ka hindi Metro Manila—ba’t sa Metro Manila kayo nagdagdag?” pahayag ni Ariel Lim, National President | NACTODAP.
Sa isang pulong balitaan sa LTFRB, sinabi naman mismo ni Chairman Teofilo Guadiz III na hindi na itutuloy ng pamahalaan ang planong MC Taxi expansion sa Kalakhang Maynila.
“As early as last week, meron na po kaming utos galing sa kaniya na itigil na muna ang pagbibigay ng ruta sa Metro Manila,” saad ni Teofilo Guadiz III, LTFRB Chairman.
Kay Transportation Secretary Jaime Bautista umano nanggaling ang utos sabi ni Guadiz.
May 51,000 MC Taxi riders ngayon ang nag-ooperate sa Metro Manila.
Pero, may inaprubahan kamakailan ang LTFRB na bagong 8,000 MC Taxi units.
Bagay na pinalagan ng mga transport group dahil wala umano itong approval ng Kongreso sa ilalim ng Motorcycle Taxi Pilot Study.
“The 8,000 slots will now have to be made outside of Metro Manila,” ani Guadiz.
Nauna nang nagbanta ang transport groups na malakihang kilos-protesta kung hindi pagbibigyan ng pamahalaan ang kanilang panawagan.
“Hindi kami kontentado dahil kailangan ibalik nila sa 45,000 ‘yung number of ‘yung number sa Metro Manila na motorcycle taxi,” ayon kay Ariel Lim, National President | NACTODAP.