ISANG 4.6 magnitude na lindol ang yumanig sa ilang bahagi ng Quezon at mga kalapit na lalawigan kahapon ng hapon, dahilan upang ipatupad ang mga hakbang pangkaligtasan sa mga apektadong lugar.
Naganap ang lindol bandang 12:17 ng tanghali na may paunang lakas na 5.1 magnitude at lalim na 11 kilometro.
Simula noon, umabot sa 19 na aftershocks ang naitala. Ang mga aftershock ay may lakas na mula 1.4 magnitude–3.6 magnitude.
Kinumpirma ng PHIVOLCS na ang lindol ay dulot ng isang lokal na fault sa Sierra Madre Range at hindi ito konektado sa West Valley Fault. Wala namang naiulat na malaking pinsala sa ngayon.
Agad namang tumugon ang mga awtoridad, sinuspinde ang klase sa mga kampus ng Our Lady of Fatima University sa Valenzuela at Quezon City, at nagdeklara din ng suspensiyon ng trabaho sa Calamba City.
Patuloy namang mino-monitor ng mga dam operator sa Gitnang Luzon ang mga dam tulad ng Angat, Ipo, Bustos, at Pantabangan; wala namang naiulat na pinsala.
Kasunod nito agad na nagsagawa ng virtual meetings ang NDRRMC Operations Center kasama ang mga regional office sa NCR, Gitnang Luzon, CALABARZON, at MIMAROPA upang pag-ibayuhin ang koordinasyon ng mga tugon.
Nagsasagawa naman ngayon ng damage assessment ang mga local disaster council sa Aurora, Quezon, at mga karatig na lugar.