MAHIGIT limang milyong Pilipino na ang nakatanggap ng kanilang unang dose ng COVID-19 vaccine sa halos tatlong buwang vaccine rollout ng bansa.
Mas mataas umano ito sa target ng pamahalaan na 4 milyong vaccination bago matapos ang Mayo.
Aabot naman sa mahigit isang milyon ang nakakumpleto na ng kanilang pangalawang dose ng COVID-19.
Ayon kay vaccine Czar Carlito Galvez Jr., kinakailangang makapagbakuna ng 500,000 kada araw sa Metro Manila at 8 pang lugar para makamit ang herd immunity sa Nobyembre.
Habang sisimulan na rin sa Hunyo ang pagbabakuna sa A4 priority group o mga manggagawa sa pribadong sektor, government agencies at informal sector.
Vaccine express lanes, binuksan na para sa vaccine priority group
Binuksan na ang vaccine express lanes para sa mga A1 hanggang A3 group sa vaccine priority list.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ito ay bilang bahagi na rin ng hakbang upang mapabilis ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa bansa.
Kabilang sa mabibigyang prayoridad sa pila ay ang mga medical frontliners, senior citizens at mga persons with comorbidities.
Kaugnay nito sinabi ni MMDA Public Safety Office Director Vic Trinidad na iminumungkahi rin nila ang house-to-house vaccination para sa mga senior citizens.