Mahigit P1-B para sa rice assistance ng mga kawani ng gobyerno, inilabas ng DBM

Mahigit P1-B para sa rice assistance ng mga kawani ng gobyerno, inilabas ng DBM

IPINALABAS na ng Department of Budget and Management (DBM) sa National Food Authority (NFA) ang kabuoang higit 1 billion pesos (P1,182,905,000).

Ito ay para pondohan ang one-time rice assistance na ipagkakaloob sa lahat ng kwalipikadong empleyado ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Nitong Abril 12, inaprubahan ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ang Special Allotment Release Order (SARO) at kaukulang Notice of Cash Allocation (NCA) nito.

Ayon kay Pangandaman, bilang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., titiyakin ng ahensiya ang kapakanan ng mga kawani ng gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay tulong para sa kanilang mga pangangailangan.

Ito’y habang tinutulungan din ng ahensiya na paigtingin ang produksiyon ng bigas ng mga magsasaka.

Tinatayang higit isang milyon (1,892,648) na mga kawani ng pamahalaan ang makikinabang sa rice assistance, kasama na ang mga job order (JO) at contract of service (COS) personnel.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter