Mahinang kakayahan sa disaster response, nalantad sa insidente ng oil spill—Rep. Lee

Mahinang kakayahan sa disaster response, nalantad sa insidente ng oil spill—Rep. Lee

NALANTAD ang mahinang kakayahan ng pamahalaan sa disaster response sa nangyaring oil spill sa Oriental Mindoro.

Ito ang sinabi ni Agri Party-list Representative Wilbert Lee matapos ihayag ng pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kakulangan ng kagamitan at tauhan para mabilis na maagapan ang oil spill.

Kasunod ito ng patuloy na paglawak ng apektadong karagatan dahil sa oil spill na dulot ng paglubog ng motor tanker Princess Empress sa bahagi ng Naujan sa Oriental Mindoro.

Kaugnay nito, isusulong ni Lee sa susunod na budget hearing ang paglalaan ng malaking pondo para sa oil spill containment equipment.

Dagdag pa ng mambabatas, kung nagkaroon lang sana ng mabilis na aksiyon sa naturang oil spill ay hindi na sana ito patuloy na sisira sa mahahalagang likas na yaman ng bansa at kabuhayan ng mga mangingisda sa mga apektadong lugar.

Batay sa datos ng Office of the Civil Defense, tinatayang na sa mahigit 1,045 indibidwal na ang naapektuhan ng oil spill.

Matatandaan na nasa 800 libong litro ng industrial oil ang sakay ng MT Princess Empress nang lumubog ito noong Pebrero 28 sa karagatang sakop ng Naujan sa Oriental Mindoro.

Follow SMNI NEWS in Twitter