Maraming Pilipino ang naghihirap sa ilalim ng Marcos Jr. admin

Maraming Pilipino ang naghihirap sa ilalim ng Marcos Jr. admin

MAS dumami pa nga ang mga Pilipinong walang trabaho o negosyo sa ilalim ng administrasyong Marcos, na pumalo sa mahigit 2 milyong indibidwal nitong Enero 2025—mas mataas kumpara sa nakaraang buwan, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Kabilang sa mga dahilan ng kawalan ng trabaho ay ang paghihintay ng job recall o pag-rehire ng kanilang dating employer. Habang ang iba naman, patuloy pa ring naghahanap ng bagong trabaho.

Ayon sa isang dating opisyal ng Malacañang, hindi maitatanggi ng kasalukuyang administrasyon na talagang naghihirap na ang mga Pilipino.

“Masama talaga ang ating ekonomiya sa ngayon. Kahit anong propagandang sinasabi ng administrasyon na maganda ang ating kalakaran ay talagang hindi mapapasinungalingan na talagang naghihirap. Naghihirap ang karamihan sa ating mga kababayan. Maraming walang trabaho,” ayon kay Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal Counsel.

Hirap na hirap din, ani Panelo, ang ating mga kababayan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin na hindi makontrol-kontrol ng gobyerno.

 Atty. Panelo: Agri Secretary ng Marcos Jr. Admin puro ngawa

Kasunod nito ay binanggit din ni Panelo ang Department of Agriculture (DA) na aniya’y wala namang ginagawa.

Ito ay kasunod ng ibinulgar ni Ombudsman Samuel Martires na ang DA at ang National Food Authority (NFA) ang pinaka-korap na government agency.

“ ‘Yung Ombudsman kahapon, headline. Ang pinaka-korap daw na ahensya ng gobyerno ay ‘yung Department of Agriculture at tsaka ‘yung NFA. Pinaiimbestigahan daw nila,” ayon pa kay Panelo.

“Eh ‘yung bang kinukuha niya kagaya ng Secretary ng Department of Agriculture. Wala eh. Puro salita, puro ngawa. Walang ginagawa,” aniya pa.

Dagdag pa ni Panelo, wala rin namang nangyari nang maging kalihim si Marcos Jr. ng DA.

Sa kabila ng pangako niyang bababa ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo, patuloy pa itong tumataas, na lalo pang nagpapahirap sa mga ordinaryong mamamayan.

Bukod pa rito, lumala ang problema sa smuggling ng mga agricultural products, na nagdulot ng pagbagsak ng lokal na agrikultura. Maraming magsasaka ang nalugi at napilitang isara ang kanilang mga sakahan dahil sa patuloy na pagpasok ng mga imported na produkto na mas mura ngunit bumabaha sa merkado.

Kaya aniya, bumabagsak ang Pilipinas at kaawa-awa ang mga Pilipino.

Sa gitna ng lahat ng ito, nananatili aniyang walang malinaw na direksiyon ang liderato ni Marcos Jr. pagdating sa sektor ng Agrikultura, kaya’t patuloy na lumulubog sa kahirapan ang bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble