HINIHIKAYAT ng Malacañang ang lahat na government agencies na iwasan ang mga marangyang pagdiriwang ngayong Pasko.
Sa pahayag na inilabas ng Office of the Executive Secretary, pakikiisa anila ito sa pagdadalamhati ng milyun-milyong mga pamilyang Pilipino na namatayan, nawalan ng tahanan at trabaho dahil sa anim na sunud-sunod na bagyo.
Kaugnay nito, hinikayat rin ng Office of the Executive Secretary na ibigay ng government agencies bilang donasyon sa mga biktima ng bagyo ang natipid na pera mula sa simpleng pagdiriwang ng Pasko.
Samantala, ipinangako na rin ng nabanggit na tanggapan na patuloy na magbibigay ang pamahalaan ng tulong sa pamamagitan ng relief goods at iba’t ibang uri ng assistance, pagtatayo muli ng mga imprastraktura at pagbibigay ng trabaho sa mga apektado ng bagyo.