SA paglipas ng panahon, patuloy na dumarami ang mga Pilipinong nananawagan ng malalim at makabuluhang reporma sa pamahalaan.
Ayon sa mga ulat, isa sa mga pangunahing isyung isinusulong ng publiko ay ang umano’y lumalalang katiwalian sa hanay ng gobyerno.
Bagama’t itinatanggi ng mga opisyal ang mga alegasyong ito, marami pa rin ang nagpapaabot ng hinaing ukol sa epekto ng kakulangan sa serbisyo, partikular na sa mga isyu ng kahirapan at ekonomiya.
Ayon sa PAHAYAG 2025 survey ng Publicus Asia para sa unang quarter ng taon, 20% ng mga Pilipinong tinanong ang nagsabing katiwalian ang pangunahing isyung dapat tugunan ng administrasyon ni Pangulong Marcos.
Kasunod nito ang mga isyu ng ekonomiya at inflation na parehong nakakuha ng tig-11%. Lumitaw rin sa parehong pag-aaral ang pagtaas ng pangamba ng publiko sa isyu ng ilegal na droga, na umabot sa 13% sa pambansang antas at 26% naman sa Mindanao.
Kaugnay rito, sinabi ni dating Defense Secretary at ngayo’y senatorial candidate Norberto Gonzales na ang pangunahing balakid aniya sa pag-unlad ng bansa ay ang sistemang politikal at ang mga taong nasa likod nito.
“Ang pinakamalubha na nakasisira sa kinabukasan ng bayan natin ang ating politika at ang ating pamumulitika at ang ating mga pulitiko. Sila ang talagang humaharang sa pagkakataon na tayo ay umunlad bilang bansa,” ayon kay Norberto Gonzales, Senatorial Candidate.
Ito ang naging pahayag ni Gonzales sa kaniyang pag-iikot sa ilang bahagi ng Mindanao tulad ng Buenavista, Agusan del Norte; San Francisco, Agusan del Sur; at Barobo, Surigao del Sur.
Binigyang-diin din niya na sa buong karanasan niya sa pamahalaan, ang Marcos Jr. administration na ang nakita niyang may pinakamalalang anyo ng korapsiyon.
“Lalo ngayon, itong administrasyon natin ngayon, tingin ko ito ’yong pinaka-corrupt na administrasyon na nakita ko. Ito ang pinakamaraming nagnanakaw sa kaban ng bayan,” ani Gonzales.
Dagdag pa ni Gonzales, hangga’t hindi natitigil ang korapsiyon sa gobyerno, mananatiling imposible para sa karaniwang mamamayan na maramdaman ang benepisyo ng maayos na serbisyo publiko.
Kung siya aniya ay palaring mahalal sa Senado ngayong darating na halalan, sisiguraduhin niyang may hakbang na gagawin upang matigil ang aniya’y panggagatas sa kaban ng bayan.
“Kung hindi natin ititigil ang kurapsyon, hindi natin maiaayos ang gobyerno para talagang makapagbigay ng tamang serbisyo sa mga kababayan.”
“Ang gusto ko lang naman mangyari, maipakita sa ating mga kababayan na may tamang pamumulitika. Lahat ng bansa na may sistema ng tamang pamumulitika, umuunlad ang buhay ng lahat,” giit nito.
Hinikayat ni Gonzales ang mga kapwa kandidato—mula sa mga tatakbo sa Senado, Kongreso, at mga lokal na posisyon tulad ng gobernador, mayor, konsehal, at barangay captain—na mangako sa taumbayan na sa araw-araw nilang pakikitungo sa mga mamamayan ay itigil na ang panlilinlang, tigilan na ang pagbobola, at higit sa lahat, huwag nang magnakaw sa pamahalaan.
Aniya, kung hindi ito magagawa ng mga lingkod-bayan ay siguradong magpapatuloy ang ganitong kalakaran sa mga susunod na henerasyon.
Follow SMNI News on Rumble