TINIYAK ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na matatapos sa loob ng 3 taon ang ginagawang rehabilitasyon sa Marikina River .
Ngayong araw ay pormal ng itinurn-over ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa DPWH ang dredging activities sa Palaruang Batang Lambak, Brgy. Sta. Ana, Marikina River.
Nasa Phase 4 Area na ang pamahalaan para sa nasabing proyekto.
Ayon sa DPWH luluwagan nila ang bahagi ng ilog partikular sa Phase 4 upang masolusyunan ang malaking pagbaha.
Habang maglalagay din ang DPWH ng flood walls upang maiwasan ang overflowing ng tubig.
Saad ni DENR Acting Secretary Jim Sampulna napakalaking bagay ang rehabilitation effort ng pamahalaan sa panahon ng kalamidad.
Dagdag pa ng opisyal, isa rin ito sa maiiwang legasiya ng administrasyong Duterte sa oras na matapos ang dredging activity at widening sa buong Marikina River.
Ikinagalak naman ni Mayor Marcy Teodoro ang tuloy-tuloy na pagsasanib-pwersa ng pamahalaan at ng lokal na pamahalaan para sa restoration project sa Marikina River.
Sa katunayan, limang dredging machine at ilang dumb trucks ang ini-acquire ng lungsod para sa naturang rehabilitasyon upang maging bahagi ng maintenance program.
Dagdag ng alkalde, nababawasan aniya ang anxiety ng mga residente dahil sa mabilis at maayos na tugon ng pamahalaan.
Matatandaang ilang bagyo na ang tumama sa Marikina City kung saan ilang kabahayan ang lumubog at ilang pamilya ang nawalan ng tirahan.
Pinirmahan naman ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Executive Order 120 o ang Build Back Better Task Force para palakasin ang pagsasaayos sa mga lugar na tinamaan ng bagyo.
Sa kasalukuyan, nakumpleto na ng pamahalaan ang dredging activity at widening sa ilang bahagi ng Marikina River kabilang ang Phase 1,2,3 at 5.