Mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan, ipinag-utos ni Mayor Belmonte

Mas mahigpit na seguridad sa mga paaralan, ipinag-utos ni Mayor Belmonte

INATASAN ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang mga otoridad na paigtingin pa ang seguridad sa pampublikong mga paaralan sa lungsod.

Ito ay matapos ang nangyaring pananaksak ng isang estudyante sa kapwa nito mag-aaral sa Culiat High School kamakailan.

Sinabi pa ng alkalde, bagamat itinuturing na itong isolated case ay binigyang-diin ng insidente ang pangangailangang magkaroon ng karagdagang security interventions sa mga paaralan.

Kailangan aniyang magkaroon ng random security checks sa lahat ng pampublikong eskwelahan para matiyak ang kaligtasan ng bawat mag-aaral at guro.

Magkakaroon din ng preemptive measures gaya ng paglalagay ng mga karagdagang CCTV cameras sa mga paaralan, values formation programs at pagha-hire ng mga karagdagang guidance counselors.

Hinimok ni Mayor Joy ang mga barangay na magmungkahi at magpondo ng mga programa para sa mga out-of-school youth (OSY).

Aniya, karamihan sa mga kaso na kinasasangkutan ng children in conflict with the law (CICL) sa lungsod ay ginagawa ng OSY.

Sa datos ng QC LGU, 87.5% ng mga krimen ay ginawa ng mga CICL na edad 15 hanggang 17 .

Follow SMNI NEWS in Twitter